top of page
Search
BULGAR

Mga kaibigang bansa, ingatan, pahalagahan

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | July 26, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Ang darating na Martes, ika-30 ng Hulyo ay itinalagang International Day of Friendship ng may 43 member-states ng United Nations. Kahit walang bonggang taunang pagdiriwang nito sa Pilipinas, kabilang ang ating bansa sa mga miyembro ng UN na sumang-ayon noong 2011 sa deklarasyong nagtatag ng naturang espesyal na araw.


Layunin ng resolusyong iyon ang pag-uudyok ng pakikipagkaibigan ng iba’t ibang lahi sa isa’t isa saan man sa mundo upang maging malawakan ang pagkakaunawaan ng sangkatauhan sa kabila ng pagkakaiba ng mga kasaysayan, kultura at paniniwala, at nang sa gayo’y makamit ang inaasam na pandaigdigang kapayapaan.


Napakatayog man ng adhikaing ito at malayo sa ating kakayanan bilang ordinaryong mamamayan, magagawa pa rin nating magsimula sa kahit simpleng pagpapahalaga sa ating mga kaibigan at pakikipagkaibigan.


Daan-daan man o mabibilang sa isang kamay ang dami nila, hindi maikakaila ang importansya ng pagkakaroon ng mga kaibigan sa ating buhay. Sina mare/mars, pare/pards, pañero/repapips, ‘tol, bes, BFF, kapatid, sister, brad, ‘friendship’ o ano pang bansag sa kanila, ang ating tinatakbuhan sa labas ng pamilya o tahanan sa oras ng pagsubok o simpleng paghahanap ng makakakuwentuhan. Sila ang ating kinikilingan sa tuwinang mangangailangan ng tulong na hindi matutugunan ng kadugo o kabiyak. Sila ang nakakapagbigay ng wagas na saya na tila hindi maaaninag sa iba. 


Ang kaibigan ay tila susi na nakapagpapalaya sa atin, kahit sa ilang sandali lamang, mula sa selda ng araw-araw na pagsubok o mga kabigla-biglang dagok. Kaya naman ang pakikipagniigan sa mga kaibigan ay kadalasang may kasamang inumin, kape man o kaunting alak. Kaya din naman hindi mabibilang ang dami ng mga awitin ukol sa pagiging kaibigan sa kasaysayan ng musika.


Sa katunayan, may ’di maikakailang benepisyo sa ating kalusugan at katinuan ang pakikipagkaibigan. Ang mga katsokaran nga naman ay nakakaalis ng lumbay, nakapagpapagaan ng mga pinapasan at inaalala, nakatutulong sa pagpapalakas ng ating kalooban, nakapagdudulot ng inspirasyon sa pag-abot ng ating mga pangarap, at nakasusuporta sa ating pagtawid mula sa pagkakalugmok patungo sa magandang bukas.


Marami man sila sa ating personal na teleserye, lalabas at lalabas pa rin na ilan lang, o kaya’y isa lang sa mga ito ang ating maituturing na tunay na kaibigan, ang bukod-tangi sa kanilang lahat na hindi maihahalintulad kanino man.


Marahil, siya ay ang iyong kaisa-isang kamag-aral na nakagaanan ng loob sa klase at sa paglalakwatsa. Posibleng siya ang walang kaparis mong kabiruan sa hanapbuhay, na hindi kayo mauubusan ng mapaghuhugutan ng halakhak. Maaari ring siya ang magiliw mong maituturing na kapatid sa ibang ina dahil sa pagkakatugma ng mga hilig.


Ang tunay na kaibigan ay hindi lang mahalaga bilang katuwang sa mga bagay-bagay kundi mistulang paalala ng tadhana na hindi sila palaging nariyan at maaaring mawala sa isang iglap at agawin ng kapalaran. Ilan na ba ang ating mga naging matimbang na kaibigan ang wala na sa ating kamalayan dahil napalayo na tayo sa kanila at nag-iba sila ng landas? Kaya’t alalahanin natin ang ating mga tunay na kaibigan lalo na kung matagal-tagal na rin nang huli natin silang nakaugnayan. Kahit hindi sila nakapagpaparamdam, mangumusta tayo at baka naghihintay sila ng ating tawag o text, lalo na kung sila pala’y may suliranin na patagong hinaharap at tahimik pa lang naghihintay ng ating pagdamay.


Sa bandang huli, mayroong mangingibabaw na tunay na kaibigan sa ating kani-kanyang talambuhay. Mainam na sa rami ng mapagpipilian, asintaduhin ang pagmumuni-muni at pagninilay-nilay ukol sa kung sino nga ba siya para sa iyo. 


Sa ating palagay, ang tunay na kaibigan ay hindi lang basta tutulong sa iyo nang lubusan sa anumang oras ng pangangailangan. Bagkus, ito ay ang tao na laging pagsisikapan kang damayan sa kabila ng kanyang mga kakulangan, para sa iyong ganap na pagbangon at dalisay na kasiyahan — dahil ang iyong kaligayahan ay kanya rin, at ang iyong tagumpay ay tagumpay niya rin.

 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page