top of page
Search
BULGAR

Mga kagulong, para iwas-heat stroke mag-30 mins. break

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Marso 9, 2024


Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa nakakamatay na heat stroke ngayong nagsisimula na ang summer season sa bansa at isa sa nangungunang nakabilad sa kalye ay ang mga nagmamaneho ng motorsiklo.


Dobleng kapahamakan kasi kung ang isa sa ating mga ‘kagulong’ ang tatamaan ng heat stroke sa gitna ng pagmamaneho dahil bukod sa epekto ng heat stroke ay posible pa itong humantong sa malagim na aksidente.


Dahi dito, may ilang payo sa publiko ang DOH upang maiwasan ang heat stroke at mabigyan ng proteksyon ang katawan sa matinding init at iba pang sakit na madalas nararanasan tuwing tag-init gaya ng diarrhea.


Kabilang dito ang pag-iwas sa pagsusuot ng makapal at kulob na damit, paglalagay ng cold compress sa singit, kili-kili at likod, at pananatili sa malilim na mga lugar.


Iwasan ding lumabas ng bahay sa tanghaling tapat, gawin sa umaga o hapon ang mga lakad, magsuot ng maninipis at magagaan na damit at uminom ng maraming tubig.


Gumamit din ng sumbrero at sunglasses kung hindi maiwasan na lumabas sa tanghali.


Agad na kumonsulta sa doktor kapag nakaramdam ng sintomas tulad ng lagnat na sobra sa 40° ang temperatura, pamumula, mainit at tuyong balat, kulang o sobrang pagpapawis, sakit ng ulo, pagkahilo at pagsusuka, pangangalay o pamumulikat.


Kung ang mga traffic enforcer ay binibigyan ng 30 minutong break para uminom ng tubig o magbasa ng mukha upang makaiwas sa heat stroke, kaya dapat maging ang ating mga ‘kagulong’ ay pagtuunan din ng pansin ang babalang ito ng DOH.


Dapat ay palaging may baong inuming tubig upang hindi makaranas ng heat stroke dahil posibleng biglang magdilim ang paningin ng isang nakararanas ng heat stroke, at delikado ito sa isang rider.


Malagim na aksidente ang posibleng sapitin ng isang nagmamaneho ng motorsiklo sakaling makaranas ng heat stroke. Ibig sabihin ay posibleng may ibang tao pang madamay kung hindi mag-iingat.


Huwag nating balewalain ang babalang ito dahil sa bukod sa summer ay nakataas pa rin ang babala sa El Niño na lalong nagpapaigting sa init na ating nararanasan.


Dapat nating alalahanin na walang pinipiling edad ang biktima ng heat stroke, maging bata man o matanda ay pwedeng makaramdam nito, at hindi lang sa ating bansa ito nangyayari dahil nararanasan din ito ng maraming bansa na may mainit na klima.


Taun-taon ay hindi mabilang sa daliri ang binabawian ng buhay dahil sa heat stroke, kaya sana ay huwag na tayong dumagdag pa, lalo na ang ilan sa ating mga ‘kagulong’ na ang hanapbuhay ay maghapong nagmamaneho sa gitna ng matinding sikat ng araw.


Kapag nakakita ng malilim na pwedeng silungan ay saglit na huminto muna sa pagmamaneho ng motorsiklo at makaraang makaramdam na ng ginhawa ay saka na lamang ipagpatuloy ang pagmamaneho.


Huwag tayo masyadong tiwala na hindi tayo makararanas ng heat stroke dahil wala ‘yan sa laki ng katawan. May isang pangyayari na sa gitna ng paglalaro ng basketball ay bigla na lamang bumagsak at nasawi dahil sa heat stroke.


Lantad din sa heat stroke ang mga tricycle driver kahit may bubong ang kanilang minamaneho kaya dapat na magbaon ng malamig na tubig para kapag nakaramdam ng pagkauhaw at panunuyo ay hindi na kailangang maghanap pa.


Isa sa maaaring gawin kapag nakasaksi kayo ng tinamaan ng heat stroke ay agad na dalhin sa malilim na lugar o ipasok sa bahay, at agad ihiga habang nakataas ang dalawang binti.


Agad ding hubarin ang suot na damit at lagyan ng malamig na tubig ang balat habang pinapaypayan. Makakatulong din ang paglalagay ng yelo sa kili-kili, pulso, bukong-bukong at singit.


Habang ibinibigay ninyo ang mga pangunahing lunas ay siguruhing may tumatawag na ng ambulansya upang agad na madala sa pagamutan ang isang tinamaan ng heat stroke para maisalba ang kanyang buhay.


Tandaan na kayang iwasan ang heat stroke, basta maging responsable lang. Kaya ingat mga ‘kagulong!’


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page