ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | June 10, 2023
Nakakatuwa na bilang Unang Representate ng 1-Rider Partylist ay mababalitaan nating may mga kakampi ang ating mga ‘kagulong’ sa Senado na ngayon ay hinihimay ang mga detalye kung paano matutugunan ang kanilang pangangailangan.
Dahil sa patuloy na paglaki ng komunidad ng mga nagmamaneho ng motorsiklo sa bansa ay marapat lamang talaga na bigyang prayoridad ang kapakanan ng ating mga ‘kagulong’ na sobrang bilis na nang pagdami kumpara sa mga patakaran at alituntuning naiisip ng pamahalaan.
Bago mag-break ang Senado ay nagkaroon ng joint hearing ang Committee on Public Services at Local Government at tinalakay ang pagkakaroon ng batas na gagawing legal na ang mga motorcycle taxi sa bansa upang magkaroon na umano ng mga panuntunan.
Layon ng pagdinig na magkaroon na ng magkokontrol upang makasigurong ligtas ang mga rider at mga pasahero bukod pa sa mananatiling mababa ang bilang ng mga aksidente na kinasasangkutan ng motorsiklo.
Pinangunahan ni Sen. Grace Poe ang naturang pagdinig bilang chair ng Senate committee on public services na bukod sa kaligtasan ng ating mga ‘kagulong’ ay nais niyang magkaroon ng highest safety standard ang motorcycle taxi sa bansa.
Sinabi mismo ni Sen. Poe na hindi na maawat ang pagdami ng motorsiklo sa bansa na lubhang napakadelikado bilang panibagong klase ng transportasyon na kailangang panghimasukan na ng pamahalaan.
Nakakatuwa na sa naturang pagdinig ay sinuring mabuti ang mga kumpanyang pinayagang mag-operate sa ilalim ng tatlong taong pilot program ng Department of Transportation (DOTr) tulad ng Angkas, Joyride at Move It.
Inisa-isa ang lahat ng sistema patungkol sa motorcycle taxi at nagsagawa ng malalimang pagtatanong hinggil sa safety training na kanilang ibinibigay sa kanilang mga driver.
Samantala, nagpakita naman ng pagkabahala si Senador Raffy Tulfo dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga aksidente na kinasasangkutan ng Angkas na tumatayong market leader dahil sa 30,000 slot nitong hawak.
Nasa 45,000 slot kasi sa kabuuan ang lumahok sa ilalim ng pilot program, ngunit labis umanong nakakaalarma na umabot sa 75,000 ang aksidenteng kinasasangkutan ng mga ito noon lamang taong 2022 at hindi pa kabilang ang kasalukuyang taon.
Sinabi ni Sen.Tulfo na sadyang hindi maiiwasan ang aksidente sa pagmamaneho ng motorsiklo lalo pa at dalawang gulong lamang ang binabalanse ngunit dapat umanong mabilis ang aksyon at pagresponde kung hahantong sa aksidente ang lahat.
Nais ni Sen. Tulfo na kung may maaaksidenteng rider, partikular kung may pasahero ay agad na magresponde ang pamunuan o representante ng mga ride-hailing company na ito at agad-agad ay aksyunan at bigyan ng tugon ang sitwasyon.
Dapat umanong tiyaking nadala sa maayos na pagamutan ang pasahero at driver, at siguruhing agad-agad ay mababayaran ang hospitalization at iba pang gastusin na nakaperhuwisyo sa pasahero.
Pinakinggan naman ang naging paliwanag ng Grab Senior Executive Vice President Lim Yew Heng na dumalo sa naturang pagdinig dahil bukod sa Pilipinas ay sakop ng kanilang operasyon ang Thailand, Vietnam at Indonesia.
Sinabi nitong gumagamit umano sila ng mga matataas na teknolohiya para ma-monitor ang ugali at driving skills ng kanilang driver bukod pa sa kaligtasan at tamang pagsasanay ng mga Grab driver.
Anuman ang kanilang mabuong panukalang batas hinggil sa naturang pagdinig ay nakaabang tayo sa Mababang Kapulungan upang suportahan ang kanilang pagmamalasakit para sa ating mga ‘kagulong’.
Sa ngayon ay mahigit na sa 12 panukalang batas ang ating naisumite sa Kongreso na lahat ay naglalayong mapaganda, mapagaan at mabigyang proteksyon ang ating mga ‘kagulong’ sa pang-araw-araw nilang pagmamaneho sa kalye.
Bagama’t nakakabigla ang mabilis na pagdami ng motorsiklo sa bansa ay kailangang bilisan din ang mga panuntunang naiisip ng pamahalaan para makasabay at hindi mabulunan ang mga lansangan sa pagdami ng motorsiklo na kani-kanya ang sistema.
Sa Senado, maraming salamat sa inyong pagmamalasakit sa kapakanan at kaligtasan ng ating mga ‘kagulong’.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Комментарии