ni Sr. Socrates Magnus II - @Karunungang Lihim| August 26, 2020
Bigyang-daan natin ang pagpapatuloy sa pagtalakay ng mga bagay na kailangang gawin ng tao, may COVID-19 pandemic man o wala.
Ayon sa kasaysayan ng mundo, may panahon na ang tao ay hindi isinasabuhay ang sinabi ni Albert Einstein na “Do not be afraid to ask questions” dahil sa takot sa Simbahan at mga hari ng kanilang lupain.
Bawal magtanong ng kahit ano, lalo na ang mga tanong na may motibong baguhin ang mga utos, aral at tradisyon na itinuro ng Simbahan.
Lahat ay kailangang sumunod dahil ang sinumang susuway ay hindi makatatanggap ng bendisyon. Gayundin, idedeklarang kalaban ng Diyos at Simbahan ang mga taong nagtatanong tungkol sa pinaiiral na patakaran ng Simbahan.
Okey naman ito para sa mga pangkaniwang tao dahil basta kumain lang naman sila ay masaya na ang kanilang buhay, gayundin, masaya na rin sila sa pag-ani ng kanilang mga tanim, kumbaga, ang lahat ay inaasa nila sa kapangyarihan ng Simbahan. Ang kapangyarihang ito ng Simbahan, ayon mismo sa kanila ay kaloob ng Diyos.
Umaasa ang lahat sa Simbahan—sila ang magsasabi kung kailan ang panahon ng pagtatanim at pag-aani. Rito nagsimula ang tinatawag na fiesta kung saan ang Simbahan din ang magsasabi ng kung ano ang petsa ng pista.
Ang pagdarasal ay kontrolado rin ng Simbahan. Ang mga letra o salita ay hindi puwedeng baguhin o palitan ng mga tao, kumbaga, kung ano ang dasal sa bawat araw o panahon, Simbahan ang magdedeklara. Maging kung kailan ang tamang oras ng pagdarasal ay Simbahan din ang masusunod.
Muli, ang sumuway ay tatawaging kalaban ni God at Simbahan. Tulad ng nabanggit sa nakaraang isyu, ito ang panahon ng Dark Ages kung kailan bulag ang tao at sila’y nabubuhay sa kamangmangan at masasabing nawala sa tao ang kanyang buhay dahil siya ay tagasunod at alipin ng Simbahan.
Sa mga bansang monarkiya naman na hari ang bida ay ganundin. ‘Ika nga, “Ang salita ng hari ay hindi mababali,” sikat ang mga salitang ito at hanggang ngayon ay maririnig pa rin naman natin na sa panahon ng monarkiya ito nagsimula.
Takot na takot sa hari ang mga tao dahil pupugutan ng ulo ang hindi susunod. Kung hindi naman, sila ay ikukulong at ang iba ay ipapakain sa mga leon.
Kahit hirap ang mga tao, nagbabayad sila ng buwis sa hari at ang hindi makapagbabayad ay kukunin ng hari ang mga lupain. Ang lupang nakuha ay mapupunta sa mayayamang malapit sa hari o kaibigan nito. Kaya rito na rin nagsimula ang feudalismo kung saan iilan lang ang may-ari ng malalawak na lupain.
Sa hanay naman ng mga siyudad na walang sakahan o taniman, ang mga negosyong hindi makakabayad ng buwis ay kukunin ng hari ang kanyang negosyo at mapupunta naman sa mga malalapit sa hari ang mga ito. Rito nag-ugat ang kaisipan na kung tawagin ngayon ay oligarchy kung saan ito ang mayayamang negosyante na nababanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sila ang may kontrol ng ilang mahahalagang sektor ng lipunan.
Nagustuhan naman kaya ni God ang nangyayari ito sa panahong ang tao ay bulag, walang dignididad at nawala ang pagiging tao ng tao?
Itutuloy
コメント