top of page
Search
BULGAR

Mga Kabitenyo, nabiyayaan sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Sep. 30, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Umusad na sa lalawigan ng Cavite ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. (PBBM), kung saan umabot sa halos isang bilyong halaga ng iba’t ibang programa ng pamahalaan ang ipinamahagi sa mahigit 120,000 Kabitenyo sa dalawang araw na pagtitipon.


Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ang naturang hakbangin ay flagship program ni PBBM upang maipagpatuloy ang direktang serbisyo ng gobyerno sa milyun-milyong Pilipino sa 24 na lugar na binisita na ng nasabing service caravan.


Ang inyong lingkod, kasama ang aking maybahay na si Cong. Lani Mercado-Revilla, ang nag-host ng pinakahuling pagtitipon. Pinangunahan ito ni Speaker Romualdez kasama ng mahigit 200 kongresista at ng 65 na iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang paghahatid ng 235 essential programs at services sa higit 120,000 Kabitenyo.


Inihayag ng leader ng 300-plus-strong House of Representatives na ang BPSF ay patunay na walang maiiwan sa Bagong Pilipinas ng ating Pangulo. Dito, mabilis, maayos, maginhawa at masaya ang serbisyong hatid natin sa bawat Pinoy.


Ang mga katagang ito ay umalingawngaw sa libu-libong Kabitenyo na dumalo at nakatanggap ng biyaya sa naturang pagtitipon. P451 milyong cash aid at 255,500 kilo ng bigas ang ipinamahagi sa lahat ng benepisyaryo sa buong lalawigan.


Ang tagumpay ng BPSF ay isang halimbawa ng ating pagkakaisa para tiyakin na maramdaman ng bawat Pinoy ang presensya ng pamahalaan.

Ang mga pangunahing ahensya ng gobyerno, kabilang na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), ay nakilahok sa naturang caravan. 


Ang DOLE, sa pamamagitan ng kanilang TUPAD program, ay namahagi rin ng short-term employment sa maraming residente, habang ang TESDA naman ay nag-alok ng scholarship program at iba pang training opportunities sa mga Kabitenyo.

Sa pamamagitan nga naman ng mga programang ito, natutulungan natin ang mga kababayan na makabangon at makahanap ng trabaho o kabuhayan.


Ang BPSF ay isang konkretong halimbawa kung paano natin makakamit ang tagumpay lalo pa kung sama-sama at tulung-tulong tayo. Sa pagkakaisa ng lahat, mas mabilis nating nadadala ang serbisyo ng gobyerno sa bawat tahanan.


Kaya nga nais din nating pasalamatan ang kinatawan ng mga lokal na pamahalaan na umalalay upang maging matagumpay ang programang ito ng Presidente sa mga nangangailangan.


Napagtuunan ng pansin sa caravan na ito ang Commission on Higher Education (CHED) Tulong Dunong scholarships, na nagbigay ng pagkakataon sa mga estudyante at ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng DSWD na namahagi ng cash assistance sa 70,000 indibidwal.


Hindi lang sa caravan na ito magwawakas ang pagbibigay ng tulong pinansyal dahil patuloy pang iikot sa iba’t ibang lalawigan sa buong bansa ang BPSF upang mas marami ang maabot na mga kababayan.


Sabi nga ni PBBM, dito sa Bagong Pilipinas, walang maiiwan. Patuloy tayong magbibigay ng tulong at serbisyo sa bawat sulok ng bansa.


Ang Cavite BPSF ay bahagi lamang ng nationwide caravan na sinimulan ni Speaker

Romualdez, na may planong bisitahin ang may 82 lalawigan sa buong bansa. 

Umabot na pala sa 23 lugar ang naikot na ng BPSF at nasa P13 bilyong tulong ang naipamahagi sa 2.8 milyong pamilya.


Sinabi ng Pangulo na hindi umano sila titigil hangga’t hindi nararamdaman ng bawat Pinoy ang pamahalaan na hindi lang basta presensya kundi magkaroon ng epekto na magpapabago sa buhay ng bawat isa.


Kaugnay nito, ang Pagkakaisa Concert sa NOMO Parking Grounds sa Bacoor, ay dinaluhan ng libu-libong Kabitenyo upang ipagdiwang ang tagumpay ng BPSF.

Patunay ito ng isang pagkilala sa pagsisikap ng pamahalaan sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko.


At sa pagpapatuloy ng misyon ng BPSF ay inaasahang mas malayo pa ang mararating at tiyak na maaabot ultimo ang pinakamaliit na barangay sa buong bansa. 


Magkaisa tayong lahat para sa isang bagong Pilipinas, at sama-sama nating iparamdam sa bawat Pinoy ang malasakit at serbisyong handog ng pamahalaan.

Para sa lahat, ang BPSF ay wala palakasan at walang pipiliin kaya nga walang Pilipinong maiiwan ang adhikain ng pamahalaan.


Anak ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page