ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 26, 2023
Panatilihin natin ang mga mag-aaral sa mga paaralan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa isang pagdinig ng Senado tungkol sa kahandaan ng mga public schools sa pasukan, kapansin-pansin na ang participation rates sa BARMM ay mas mababa pa sa participation rate average sa buong bansa. Kaya naman, ipinapanawagan natin sa BARMM na tugunan ang mga hamong kinakaharap ng rehiyon pagdating sa enrollment ng ating mga kabataan sa lugar.
Noong School Year (SY) 2020-2021, umabot sa 53 porsyento ang participation rate ng rehiyon sa Kindergarten, mas mababa sa 66 porsyento na naitalang average sa buong bansa. Pagdating sa elementary, 69 porsyento ang participation rate sa rehiyon, samantalang 89 porsyento naman ang naitala sa buong bansa. Patuloy naman ang pagbaba ng participation rate sa junior high school na umabot sa 37 porsyento, habang 13 porsyento naman sa senior high school.
Sa buong bansa, umabot sa 81 porsyento ang participation rate sa junior high school at 49 porsyento naman sa senior high school noong SY 2020-2021. Malayo ang mga numero sa nais nating maabot.
Hindi rin dapat palagpasin ang mababang average cohort survival rate sa naturang rehiyon.
Lumalabas kasi na sa kada 100 mag-aaral sa rehiyon na papasok sa Grade 1, 17 lamang ang nagtatapos ng Grade 12. Sa bawat 100 mag-aaral sa buong bansa na papasok ng Grade 1, 51 naman ang nakakatapos ng senior high school.
Nananatili ang ating paninindigan sa pangunahing layunin natin sa BARMM: Isulong ang pagpasok sa paaralan, habang ang pangalawang layunin ay panatilihin silang nag-aaral.
Sa ating naging mga dayalogo sa mga gobernador ng BARMM, napag-alaman natin na maraming kabataan sa rehiyon ang tumitigil sa pag-aaral upang tumulong sa bukid ng kanilang mga pamilya.
Napipilitan silang magtrabaho sa murang edad pa lamang dahil sa kahirapan. Ngunit pagdating ng panahon, makakapinsala ito sa kanilang kapakanan.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, nauna nang isinulong ng inyong lingkod ang pinaigting na back-to-school program upang tumaas ang enrollment sa BARMM.
Mungkahi rin natin ang maigting na pagpapatupad ng Alternative Learning System (ALS) sa nasabing rehiyon upang mahasa ang kakayahan ng working population, kabilang ang mga out-of-school children and youth.
Kailangan nating makipagtulungan sa BARMM upang tumaas ang enrollment rate sa kanilang lugar. Mahalaga na matiyak nating hindi mapagkakaitan ng edukasyon ang ating mga kabataan sa rehiyon.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments