ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | April 20, 2023
Base sa pag-aaral, suportado ng ating mga kababayan ang panukala na ibalik ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa kolehiyo. ‘Yan ang sentimyento, hindi lamang ng ating mga magulang kundi pati ng mga kabataan.
Maliban sa suportang galing sa iba’t ibang socioeconomic classes, suportado rin ng iba’t ibang age group ang pagpapatupad ng ROTC sa kolehiyo. Kasama rito ang mga estudyanteng nasa edad para pumasok sa kolehiyo.
Sa resulta ng Pulse Asia survey na isinagawa noong Marso 15 hanggang 19, lumabas na 78% o halos walo sa 10 Pilipino ang sumusuporta sa pagpapatupad ng ROTC sa kolehiyo. Ayon sa survey, 75% ng mga kalahok ng survey na 18 hanggang 24 taong gulang ang sumasang-ayon sa pagbabalik ng ROTC sa kolehiyo.
Ayon pa rin sa survey, suportado ng nakararaming Pilipino na may iba’t ibang educational background ang panukala, kabilang ang mga nakapag-aral sa high school (74%), nakatapos ng high school (77%), mga nakapag-aral sa kolehiyo (79%), at mga nasa vocational education (83%).
Maliban sa paghahanda sa mga mag-aaral para sa pagtatanggol sa bansa, civil military operations, at law enforcement, layon ng Senate Bill No. 2034 o Reserve Officers’ Training Corps Act na paigtingin ang kakayahan ng mga mag-aaral na magbigay ng serbisyo sa panahon ng mga kalamidad at sakuna, kabilang ang disaster response operations, rescue and relief operations, at early recovery activities. Sa ilalim din ng ating panukalang-batas, kailangang kumuha ang mga undergraduate students ng Mandatory Basic ROTC sa loob ng apat na semester.
Sa mga pabor sa pagbabalik ng ROTC, naniniwala silang tuturuan nito ang mga kabataan ng disiplina at pagiging responsable (71%). Naniniwala rin silang tuturuan ng programa ang mga mag-aaral na ipagtanggol ang bansa (60%).
Hindi lang naman ang mga kabataan ang makikinabang sa ROTC. Malaking tulong din ito para sa buong bansa. Sa ilalim ng isinusulong nating programa, paiigtingin natin ang papel ng mga kabataan bilang mga lider at mga aktibong miyembro ng lipunan, lalo na sa mga panahong haharapin natin ang mga sakuna, kalamidad, at anumang emergency.
Tayo ang isa sa mga may akda at co-sponsor ng ROTC Act. Layon ng panukalang-batas na gawing institutionalized ang mandatory Basic ROTC Program sa Higher Education Institutions (HEIs) at Technical Vocational Institutions (TVIs) sa lahat ng mag-aaral na naka-enroll sa dalawang taong undergraduate degree, diploma, o certificate programs.
Naninindigan tayo na may safeguards ang panukalang-batas. Halimbawa nito ang pagkakaroon ng Grievance Board sa bawat ROTC unit na tatanggap sa mga reklamo at mag-iimbestiga sa mga alegasyon ng pang-aabuso, karahasan, at korupsyon.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments