ni Jasmin Joy Evangelista | March 29, 2022
Nagpaalala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) hinggil sa mga alok na trabaho abroad na makikitang naka-post sa social media.
Sa ulat ng GMA News Regional TV, mayroong makikitang job posting sa social media kung saan naghahanap ito ng 450 Filipino teacher na kailangan sa Taiwan.
Marami ang interesadong mag-apply dito dahil ang sahod na umano’y matatanggap ng mga makakapasang aplikante ay nasa 115,000 kada buwan.
Nang puntahan ng grupo ng GMA ang POEA-Region 7, napag-alaman nilang walang pangalan ng recruiter at employer na nakasaad sa social media post tungkol sa nasabing job hiring.
Ayon sa ulat, ang nakalagay lamang ay pangalan ng Ministry of Education ng Taiwan.
Batay sa listahan ng POEA sa mga rehistradong recruiter, mayroon lang isang kompanya ang lumitaw at isang guro lang ang kailangan.
Matatandaang sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mangangailangan ang Taiwan ng mga English teacher na mga foreign workers, at hindi eksklusibo lamang para sa mga Pinoy.
Patuloy naman ang pagpapaalala ng POEA na maging maingat sa mga trabahong inaaplayan sa abroad na makikita sa social media.
コメント