ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | October 11, 2021
Sa gitna ng pandemya, sunud-sunod ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Tulad ng inaasahan, ang domino-effect nito, eh, pagtaas ng presyo ng mga bilihin at posibleng pagtaas ng singil sa mga pasahe.
Pero 'yun nga lang, kung sino pa ang numero-unong apektado ng oil price increase sila pa ang mas nakakaintindi, partikular ang ating mga jeepney driver na kakarampot na nga ang mga pasahero dahil sa pinaiiral na limitadong sakay dulot ng pandemya,
Saludo tayo sa ating mga kababayang tsuper, mga tatay at kuya na kumakayod para sa kanilang mga pamilya. Ayon kay Pasang Masda president Obet Martin, sa P46 na kada litrong presyo ngayon ng diesel, dapat P12 na ang pasahe sa jeep.
Paliwanag ni Ka Obet sa ating tanggapan, naging benchmark nila sa paghingi ng fare hike sa LTFRB, dalawang taon na ang nakararaan, na kapag ang presyo ng diesel ay P40, awtomatik na P9 ang ihihirit nila na maging pasahe sa jeep. Kapag P43 kada litro ang diesel, inihihirit nila na gawin nang P11 ang pasahe. At ngayong higit na sa P46 ang presyo ng diesel, inihihirit nilang gawin nang P12 ang maging pasahe sa jeep.
Pero kahit talong-talo na sila sa kita, malaki ang kanilang puso sa konsiderasyon sa mahihirap nating kababayang mananakay ng jeep, at nagdesisyon silang 'wag na humirit ng fare hike. Oh, 'di ba, 'yan ang may pusong Pinoy na may malasakit sa kapwa!
Kahit nga si Piston national president Mody Floranda, isinasa-alang-alang nila ang mga tag-hirap nang mga commuter o mananakay at nagsabing hindi na muna hihirit ng pagtaas ng singil sa pasahe sa mga jeep.
IMEEsolusyon na baka naman puwedeng dinggin natin ang hirit ng transport sector na i-repeal o amyendahan kaya natin ang Oil Deregulation Law at magpatupad na ng price control.
Aba, eh, hindi natin maisasantabing may katotohanan naman talaga na ang mga oil company na 'yan, eh, kabilang sa mga oil cartel at abusado sa ibinigay na kapangyarihan sa kanila ng gobyerno na sila ang magtakda ng pagtaas at pagbaba ng presyo ng langis.
'Di ba?!
May pandemya ngayon, it's about time na rebyuhin natin o silipin ang pamamayagpag ng oil cartel, para naman makontrol ang pang-aabuso sa pagpapatupad ng oil price increase. Agree?
Comments