top of page
Search
BULGAR

Mga iskul, aalamin kung ready na sa pasukan

ni Mylene Alfonso @News | July 30, 2023




Sa gitna ng pagtatapos ng public health emergency dahil sa COVID-19 at sa mga pinangangambahang sama ng panahon, naghain si Senador Win Gatchalian ng resolusyon upang suriin ang kahandaan ng mga paaralan para sa School Year 2023-2024.


Maliban sa pagwawakas ng public health emergency na dulot ng COVID-19 at ang banta ng El Niño, binigyang diin ni Gatchalian na nagdulot ng mas maikling school break ang pagbabago sa school calendar.


Para sa taong ito, nakatakda ang school break mula Hulyo 8, 2023 hanggang Agosto 27, 2023, katumbas ng 51 araw.




Sa gitna ng break na ito, magsasagawa ng mga remedial classes sa mga pampublikong paaralan mula Hulyo 17 hanggang Agosto 26, 2023.


Layunin ng inihaing Senate Resolution No. 689 ang agarang pagsusuri sa mga hamon at sa magiging epektibo ng parehong face-to-face classes at alternative delivery modes.


Bibigyan din ng konsiderasyon ang mga panawagang ibalik ang summer break mula Abril hanggang Mayo.


Sa ilalim ng Department Order (DO) No. 034 s. 2022, nakatakdang magsimula ang school year (SY) 2023-2024 sa Agosto 28, 2023 at magtatapos sa Hunyo 28, 2024.


“Sa gitna na patuloy na pagbangon mula sa pandemya at pagbabalik sa normal ng sektor ng edukasyon, napapanahong suriin natin ang kahandaan ng ating mga paaralan para sa patuloy na paghahatid ng edukasyon. Dahil nagpapatuloy pa rin ang mga hamon at pinsalang dulot ng pandemya, mahalagang matukoy natin kung paano natin tutugunan ang mga ito,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.



0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page