top of page
Search
BULGAR

Mga ipinatutupad na polisiya, hakbang kontra pandemya at hindi raket!

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 11, 2021


Matapos umani ng iba’t ibang reaksiyon at opinyon ang polisiya ng Land Transportation Office (LTO) na mandatory na pagsusuot ng facemask ng mga motorista sa pribadong sasakyan, pinal na itong ipatutupad sa bansa bilang hakbang umano sa lalo pang pagkalat ng COVID-19.


Matatandaang maraming tumutol na motorista at maging ang ilang mambabatas ay nagpahayag din ng kani-kanilang opinyon hinggil sa polisiya.


Ayon sa ilang motorista, dagdag-gastos lang sa facemask, lalo na kung magkakasama naman sa bahay ang mga pasahero.


Samantala, kinuwestiyon ng ilang kongresista ang naturang polisiya at giit ng isang mambabatas, magiging pagkakataon lamang ito sa mga tiwaling traffic officers para mangotong sa mga motorista.


Bukod pa rito, pinuna rin ng mambabatas ang violation na ipapataw sa mga motorista na hindi susunod sa naturang polisiya, bagay na sinagot naman ng opisyal ng LTO at sinabing maituturing na reckless driving ang hindi pagsuot ng facemask.


Bagama’t iginigiit ng mambabatas na hindi nakasaad sa batas na reckless driving ang hindi pagsusuot ng facemask, naninindigan ang opisyal na nailalagay sa alanganin ang kalusugan ng mga pasahero kung hindi magsusuot ng facemask ang drayber at iba pang kasama nito.


Sa totoo lang, may punto naman ang mambabatas dahil malamang, may ilang tiwaling enforcer na mananamantala sa kautusang ito.


Kung noon nga, napakaraming nagkalat na nangongotong sa kalsada, ngayon pa kaya na marami silang rason para manghuli?


‘Ika nga, ang polisiyang ito ay hakbang kontra pandemya at hindi paraan upang magkaroon kayo ng bagong raket.


Kaya para maiwasan ang kotongan, pakiusap sa mga kinauukulan, tiyaking matitinong enforcer ang magbabantay sa mga kalsada at motorista. ‘Wag hayaang magkalat sa kalye ang mga buwaya!


May pandemya na nga at hirap makaraos sa araw-araw ang ating mga kababayan, peperahan n’yo pa. Tandaan, ang pandemya ay dapat tugunan upang matuldukan at hindi dapat gawing paraan para maghanap ng pagkakaperahan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Recent Posts

See All

留言


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page