ni Jasmin Joy Evangelista | November 18, 2021
Iniimbestigahan na ng Caloocan Police ang mga insidente ng nakawan sa ilang simbahan sa Novaliches area.
"May tracker tayo at pino-profile na suspek," Caloocan police chief Col. Samuel Mina sa isang panayam.
Kamakailan ay natangayan ng ilang mahahalagang gamit sa magkakahiwalay na insidente ang tatlong simbahan sa Caloocan at Quezon City.
Sa Mother of the Redeemer Parish sa Caloocan, nakuhanan ng CCTV ang paglapit ng isang lalaki sa staff ng simbahan para humingi ng form para magpamisa at sa sandalling umalis ang tauhan ay pumasok ang suspek sa loob ng simbahan at dumiretso sa sacristy kung saan nakalagay ang mga gamit tulad ng limang ciborium at bell. Makalipas ang ilang minuto'y lumabas siya mula sa naturang kuwarto, base sa kuha ng CCTV.
Kinabukasan, nang magmimisa na ang parish priest na si Fr. Jose Casas Jr., ikinagulat niyang wala na ang mga gamit.
"Nalungkot ako talaga dahil simbahan pa ang biktima," ani Casas.
Nanawagan si Casas sa suspek na isauli ang mga gamit.
"Kung kailangan niyo ng tulong, bigyan namin kayo ng bigas na makakain niyo," aniya.
Isa pang simbahan sa Caloocan ang nanawagan sa Facebook matapos mawalan din ng ciborium at bell.
Naalarma rin si Fr. Jan Vincent Damian ng Our Lady of Mercy Parish sa Novaliches, Quezon City, lalo't nanakawan na rin sila noon ng amplifier.
Nakuhanan din ng CCTV ang isang lalaki na umaaligid sa loob ng simbahan at kumbento.
Ayon sa pulisya, nakabantay na rin sila sa lugar na posibleng pagbentahan ng mga ninakaw na gamit ng simbahan.
Comments