top of page
Search
BULGAR

Mga inaasahan ng Pinoy, natumbok sa SONA

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | July 24, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Umani ng 116 na palakpak ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos (PBBM) noong nakaraang Lunes dahil sa kabuuan ay natumbok niya ang lahat ng inaasahan ng ating mga kababayan na kanyang tutugunan. Humantong pa nga sa pagbibigay ng standing ovation ng lahat ng mga nagsidalo bilang pagpapakita ng positibong pagtanggap.


Nakakahanga ang naging SONA dahil sa pagiging komprehensibo nito sa pag-uulat ng mga nagawa ng pamahalaan, pati na ang mga konkretong plano na sama-sama pa nating tatahakin. Kapuri-puri lalo ang naging panimula ng SONA na nagdiin sa importansya ng presyo ng bigas at pagkain dahil kinikilala nito na hindi magiging lubos ang anumang progreso na ating makakamtan kung kumakalam naman ang sikmura ng ating mga kababayan.


Lahat naman ng mga nabanggit ko na expectations sa SONA, lumabas at nabigyang-diin. Sa pagpapababa ng presyo ng bilihin, food security, pagsasaayos ng sahod at trabaho, pagsusulong ng katarungang panlipunan, at patungkol sa ating pambansang seguridad, lahat ‘yan inilatag ni PBBM.


Binigyang-diin din ni PBBM ang usapin tungkol sa pagtaas ng presyo ng bilihin at ang sektor ng agrikultura. Tiniyak niya sa mamamayang Pilipino na patuloy na nagtatrabaho ng mabuti ang gobyerno para tugunan ang kanilang mga pangangailangan. Inisa-isa ng Pangulo ang mga programa ng pamahalaan para palakasin ang agrikultura at pataasin ang pagiging produktibo nito. 


Masarap pakinggan na alam at dama ng ating Pangulo ang hirap na pinagdaraanan ng ating mga kababayan gaya ng patuloy na hamon sa presyo ng pangunahing bilihin. At alam din natin na pangunahing problema talaga ang nararanasang kagutuman sa marami nating mga kababayan. Kaya nakakapanatag na ipinamalas ni PBBM ang malalim na pag-unawa niya sa isyung ito kung kaya’t alam niya na lunas ang pagpapatibay sa sektor ng agrikultura upang maibsan ang gutom.


Pati ang labor sector natin, wagi sa mga natamasa na tagumpay ng pamahalaan nitong nagdaang taon. Tumaas ang employment rate at bumaba naman sa all time low ang underemployment. Numbers don’t really lie kaya masaya ako sa naabot na ito. Dagdag pa natin ang mga naging umento sa minimum wage sa lahat ng rehiyon sa bansa kasama ang BARMM na binanggit din ng Pangulo. Isinaad sa SONA na tumaas ang employment rate patungong 95.5% at bumaba naman ang underemployment mula 11.7% noong Mayo 2023 patungong 9.9% ngayon. Ito na ang pinakamababa simula taong 2005. 


Ikinatuwa rin natin ang pagbanggit ni PBBM sa Kabalikat sa Pagtuturo (KaP) Act na ako mismo ang may-akda at nag-sponsor. Ang nasabing batas na nagtaas at nag-institutionalize ng teaching allowance ng mga guro sa pampublikong paaralan ang naging bandera ng mga programa ni PBBM para sa mga guro sa kanyang SONA.

Siyempre, napag-usapan na rin lang ang mga dagdag benepisyo, bilang chairperson ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation, labis kong pinasasalamatan si PBBM sa kanyang anunsiyo para itaas ang suweldo ng mga kawani ng ating gobyerno. Government workers deserve this very much. Sila ang backbone ng pamahalaan. At personal kong sisikapin na agaran itong maisabatas.


Humanga naman tayo sa naging postura at naging mga pahayag ni PBBM patungkol sa West Philippine Sea at sa tuluyan ng pagbabawal sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.


You always save the best for last. Kaya sobrang palakpakan ang mga tao kahapon at nagsitayuan pa. Napakatapang ng sinabi ng Pangulo at walang Pilipinong nagmamahal sa bayan ang hindi madadala, “The Philippines cannot yield. The Philippines cannot waiver”. Sapat ang mga salitang ito para madamang ipaglalaban natin ang West Philippine Sea dahil atin ito.


And the grandest of it all, total ban on POGO. The President knows what is best for the Filipino people. He knows how to protect the country. And we applaud him for leading our nation. Mapalad tayo at mayroon tayong pangulong tulad ni PBBM. Panalo ang sambayanang Pilipino.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page