ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Dec. 2, 2024
Unang linggo na ng Adbiyento at apat na linggo na lang ay Pasko na. Ano kayang kakaiba sa Paskong darating? Mayroon kayang masaya’t magandang balita? Mukhang walang tiyak at malinaw na sagot ang mga katanungang ito.
Makakatulong marahil ang ebanghelyo tungkol sa punong igos noong nakaraang Biyernes. Ito ang sabi ng ebanghelyo: “At sinabi ni Jesus sa kanila ang isang talinghaga,
“Tingnan ninyo ang punong igos at ang ibang mga puno. Pagkakita ninyong nagdadahon na ang mga ito, alam ninyong malapit na ang tag-nit. Gayundin naman, ‘pag napansin ninyo ang mga ito, alam ninyong malapit na ang paghahari ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo na hindi lilipas ang salinlahing ito at mangyayari ang lahat ng ito. Lilipas ang langit at lupa ngunit, hindi lilipas ang aking mga salita.” (Lucas 21:29-33)
Pansinin ang kalikasan, tingnan ang punong igos. Ito ang unang bilin ng Panginoon. Huwag maging bulag sa ipinapahiwatig ng kalikasan. Matatapos at matatapos din ang taglamig, ang kadalasa’y brutal na lamig ng taglamig (o winter). Hindi mapipigil ang katapusan ng tag-ulan at ang pagsunod ng tag-init. At ganyan din ang tag-init na mapapalitan ng tag-ulan at taglamig.
Nagbabago ang panahon at hindi nananatili at laging umuusad. Sa kanluran merong apat na panahon: narinig natin noong araw ang awit, “Winter, Spring, Summer and Fall… you’ve got a friend.” Apat na yugto ng taon at ang pagkakaibigan. Kung nagbabago ang panahon, hindi ba’t magbabago din, paganda o hindi, palalim o hindi ang pagkakaibigan? Ano ang takbo ng mundo ng tao? Iba ba ito sa kaharian ng Diyos? Maraming ilusyon ang mundo ng tao. Nangunguna na ang mga ilusyon ng pera, kapangyarihan, lakas, ari-arian. At balutin mo pa ang lahat ng ito ng palamuti ng unli. Unli money!
Noon ang kanta ay “I want to be a millionaire.” Iba na ngayon, “I want to be a billionaire!” Unli power! Tingnan natin ang kasalukuyang bangayan ng dalawang makapangyarihang dinastiya. Para sa tao ba ang kanilang away o para sa kani-kanilang pamilya? Kapangyarihan pa more! Kapangyarihan forever!
Habang napapako tayo sa kahibangan ng mundo ng unli, hindi natin napapansin ang pagdating ng kaharian ng Diyos. Matatapos at magbabago ang lahat ngunit hindi matatapos ang walang katapusan. Hindi mababago ang walang pagkaluma, walang pagkakupas na kaharian ng Diyos.
Napakaraming ilusyon na pumapatay at nakamamatay. Hindi natin pansin o ayaw nating pansinin na lumilipas, kumukupas, nawawala ang lahat ngunit mayroong laging bago, laging buhay, laging bumubuhay. “Lilipas ang langit at lupa, ngunit hindi lilipas ang aking salita!” Ito ang sinabi ni Kristo noon, at totoo ito hanggang ngayon.
Pumasok na ang Disyembre. Unang linggo na rin ng Adbiyento. Lumalamig na at ramdam na ang malapit na Pasko.
Pasaya na nang pasaya ang kapaligiran. Dumarami ang mga kumukutitap na Christmas lights. Dumarami ang mga palamuting pamasko. Nakatutuwa, nakabubusog sa mata, ngunit ito ba ang Pasko? Gusto ng mundo ang mga kumikislap na ilaw. Tingnan natin ang lahat ng mall. Gusto ng mundo ang mga regalo. Tingnan natin muli ang mga mall. Ngunit, ito nga ba ang Pasko? Tingnan natin ang ating kalooban. Ano ang nasa loob natin? May bago ba o kumukutitap ba? May mga regalo ba?
Nasa 24 na taon na ang nagdaan nang tumakbo ako nang tumakbo sa paligid ng mga mall na sumisigaw at nagmumudmod ng polyeto, “Wala sa mall ang sanggol!” Nagalit at binugaw akong paalis ng mga guwardiya. Ngunit hindi ako tumigil tumakbo at sumigaw, “Wala sa mall ang sanggol!”
Darating na Siya at hindi ito mapipigilan. Darating na siya, hindi sa labas, hindi sa mall, at hindi sa ilaw at regalo. Darating na siya sa ating kalooban. Bubuksan ba natin ang ating mga puso sa Kanya? Nasaan ba siya? Paano natin Siya sasalubungin at papapasukin? Paparating na Siya sa katauhan ng mga taong dapat nating mahalin, patawarin, tanggapin muli.
Simple ngunit totoo ang panawagan ni Mayor Magalong sa mga Marcos at Duterte: “Mag-usap at magkasundo na kayo… alang-alang sa taumbayan.”
Wala sa labas ang problema. Pinadadami ang mga tao sa EDSA Shrine. Nag-i-instagram naman ang Pangulo. Ngunit hindi naman sila nag-uusap. Kanya-kanyang pangkat at kanya-kanyang ilusyon, samantalang tuloy lang ang paghihirap ng marami. ‘Wag ka at baka nag-iilusyon din ang marami.
Manahimik, pumikit, manalangin, parating na kayo. Tulungan ninyo kaming sumalubong, tumanggap, magpatuloy sa inyo Panginoon. Amen.
Comments