ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | August 5, 2023
Nadiskubre ng Commission on Audit (COA) na ilang tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) ang nagbibigay ng permit o certificate of accreditation sa mga driving school noong nakaraang taon kahit hindi umano kumpleto ang mga kinakailangang requirements.
Dahil dito ay inatasan ng COA ang LTO na magsumite ng listahan at mga wastong dokumento ng akreditasyon ng mga aplikante na nais magkaroon ng driving school at ‘yung mga driving school na kasalukuyan nang tumatanggap ng mga estudyante.
Base sa pinakahuling ulat ng Department of Transportation (DOTr), natukoy umano ng COA na 189 o 66.32% ng 285 driving school applicants ang naaprubahan sa kabila ng kakulangan ng mga kinakailangang dokumento.
Kabilang umano sa mga nagpalusot ng driving school ay ang DOTr-Cordillera Administrative Region at sa mga tanggapan ng LTO sa National Capital Region (NCR), Central Luzon, Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula at Soccsksargen.
Siyempre hindi na natin dapat pang ipaliwanag kung bakit at kung paano nakakalusot ang mga ‘fly-by-night’ driving school o mga driving school na hindi na naman sapat ang dokumento ngunit namamayagpag na ang kanilang operasyon.
Mabuti sana kung papeles ang kulang, ang masaklap sinabi mismo ng COA na ang mga pinalusot na driving school ay wala ring maayos na pasilidad at sapat na kagamitan para tugunan ang pangangailangan ng isang nais matutong magmaneho.
Magpasalamat tayo sa COA at nadiskubre ang isa na namang ilegal na aktibidades na nagaganap na loob ng LTO dahil kung hindi ay patuloy itong iiral at sa huli ay kaawa-awa ang ating mga kababayan na ang tanging hangad lang naman ay matuto ng maayos na pagmamaneho.
Dahil din sa nadiskubreng ito ng COA ay tiyak na kahit paano ay magkakaroon ng paghihigpit hindi lamang sa dokumento kung hindi maging sa pagsasagawa ng inspeksiyon upang masiguro na maayos at kumpleto ang pasilidad ng isang driving school bago bigyan ng permit ng LTO.
Mababalewala kasi ang pagtatakda ng minimum requirements para sa mga nais magbukas ng driving school kung may nagagawa naman palang paraan para lumusot sa isinasagawang evaluation at pag-iinspeksiyon sa mga pasilidad ng nais magtayo ng driving school.
Marahil, isa ito sa dahilan kung bakit noong 2017 nang magsagawa ng public hearing ang Senado hinggil sa road safety ay lumitaw na kalahati umano ng populasyon ng driver sa bansa ay bumabagsak sa driving examination at isinisisi ito sa mga basta na lamang natutong magmaneho at hindi kumpleto ang edukasyon.
Ito ang naging pagkakataon na nagsimulang dumami ang mga driving school na aprubado naman ng Land Transportation Office (LTO) sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngunit dahil sa may mga nakakalusot palang driving school na hindi naman nakakasunod sa itinakdang standard ay posibleng malaki pa rin ang populasyon ng mga driver na may problema sa tamang pagmamaneho.
Hindi kasi maiaalis na mag-isip ang publiko na kung ang papeles ng isang driving school ay pinalusot lamang, hindi malayong magpalusot din sila ng mga driver na hindi naman sapat ang kaalaman ay bibigyan na rin ng certification para makakuha ng driver’s license.
Unfair kasi ito sa napakaraming matitino at maayos na driving school sa bansa na sumusunod sa lahat ng requirements tapos ay magiging kakumpetensiya nila ang mga nagpalusot lang ng papeles dahil sa katiwalian ng ilang opisyal sa loob ng LTO.
Kamakailan lamang ay itinalaga mismo ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr si Atty. Vigor Mendoza II bilang assistant secretary ng LTO at malaking hamon sa kanya ang mga sumalubong na problemang ito at umaasa ang taumbayan na maisasaayos ang lahat.
Alam nating ‘mission impossible’ ang problema sa LTO dahil sa hindi mabilang na ‘aliwaswas’ at napakapangit na imahe nito — ngunit manalig tayo na baka ang bagong pamunuan na ang hinihintay ng lahat tungo sa pagbabago. Bantayan natin!
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments