ni Jasmin Joy Evangelista | October 28, 2021
Babaklasin na ang mga ilegal na fish pen at saprahan sa parte ng Manila Bay sa Cavite City simula Nobyembre 4.
Ito ay upang mabawasan ang polusyon sa dagat sa ilalim ng Manila Bay rehabilitation na isinasagawa ng gobyerno.
Nagpaskil ng abiso sa 21 ilegal na istruktura ang Philippine Coast Guard, Department of Environment and Natural Resources at lokal na pamahalaan upang hikayatin ang mga ito na kusang baklasin ang mga fish cage at saprahan hanggang Nobyembre 4.
Ayon sa task force, kung hindi pa aalisin ang mga ito hanggang sa deadline, babaklasin ito sa clearing operations na magsisimula sa araw na iyon.
Ipinagbabawal ang pagtatayo ng mga fish cage at saprahan nang walang permiso o lisensiya at paggamit ng mga ilegal na kasangkapan para makapangisda.
Binigyan na rin umano ng palugit ng PCG Cavite ang mga mangingisda bilang konsiderasyon sa kanilang kabuhayan ngunit naudlot ang nakatakdang demolisyon sa mga fish cages noong Setyembre kaya minarkahan na muna ng mga awtoridad ang mga ilegal na fish cages sa dagat ng Cavite City, Kawit, at Noveleta.
Comments