top of page
Search
BULGAR

Mga hamon ng buhay, dapat laging paghandaan

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Oct. 11, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Kabilang sa mga napag-uusapang pelikula ng 2024 ang “Rebel Ridge”. May isang buwan na nang maipalabas ito sa Netflix at bukod sa marami nang nakapanood nito ay umaapaw ang papuri rito bilang isa sa magagaling na mga sine ng taon.


Ayon sa mga nagiliw nito ay maganda nga’t mahusay ang pelikula. Simple man ang kuwento at hindi bago ang mga temang tinatalakay, may sapat na balanse ng aksyon at pagrespeto sa pag-iisip ng sinumang manonood. Kahit lagpas pa siya nang kaunti sa dalawang oras ay sakto pa rin sa pagpapalibang ng madla.


Isang halimbawa rin ang pelikulang ito ng pampapawi ng pagkauhaw na makamit ang hustisya laban sa mga korup at ganid, kahit man lang sa loob ng mundo na, sumasalamin man sa tunay na buhay, ay kathang-isip lamang.


Makatotohanan at hindi malayo sa realidad ng kasalukuyang mundo, at hindi sobrang galing o makapangyarihan ng bida nito o nuknukan ng hangal at sama ng mga kontrabida. Bagama’t tila mag-isa ang pangunahing tauhan laban sa marami, nakakamit pa rin siya ng katiting na suporta, na mistulang pahiwatig ng may-akda na hindi tayo tatagal sa buhay nang walang karamay. Isinasaad din na kahit napaliligiran ng ’di mabilang na mga kampon ng kasamaan ay may lilitaw at lilitaw na kakamping tutulong sa pagpapairal ng katinuan at kabutihan.


Lumalabas na hindi lang magandang pelikula ang “Rebel Ridge” dahil sa mga katangian nito, kundi dahil din sa isa pang nakapailalim na pahiwatig ng salaysay nito. Base sa mga pangyayari lalo na sa loob ng kanyang huling kalahating oras, iminumungkahi nito na mainam ang pagiging handa para sa pagkakataong mas kailanganin ang sarili — sariling lakas, sariling kakayanan, sariling karunungan — nang hindi mauwi sa pagkanganga sa gitna ng anumang kaguluhan. Naipamumukha ng karurukan ng pelikula na ang hindi handa ay hindi ligtas.


Nakakapapukaw tuloy ng ating isipan ang usaping ito, ukol sa mga mainam na maaari nating magawa sa tunay na buhay upang maging laging handa. 

Halimbawa, gaya ng naipamalas sa nasabing pelikula, mabuting matuto sa mga pamamaraang maipagtatanggol ang sarili sa sitwasyong kailangang sumangga ng masasamang loob.


Mas payak na paghahanda ang pagtatabi ng mga kandila at posporo upang magkaliwanag sa gitna ng biglaang kawalan ng kuryente sa gabi. Isama na ang paghahanda ng first aid kit at mga gamot para sa kagyat na pangangailangan ng lunas sa ordinaryong karamdaman.


Isama rin ang pagseselyado ng mga butas sa bubong bago pa muling bumagyo. Pati ang pagtatabi ng tubig kung sakaling manggulat na mawala ito mula sa ating mga gripo.

Maging ang pagtulog nang sapat, pag-eehersisyo at pagkain ng mga gulay at prutas ay pampalakas ng resistensiya bilang paghahanda para sa hamon ng bawat bukas.


Nariyan din ang simpleng paghahanda ng pambayad para sa pampublikong sasakyan bago pa sumakay. Pati ang pagsuot ng sinturong pangkaligtasan sa pampubliko o pribadong kotse ay paghahanda para makaiwas sa aksidente sa kabila ng sariling pag-iingat sa daan.


Magtabi, kahit paunti-unti, ng ipong salapi para may mahuhugot kung magkaroon ng ’di inaasahang pangangailangan. 


Maghanda rin ng pampagana, gaya ng pagkolekta ng masasayang alaala ukol sa pamilya’t hanapbuhay, upang may magigisnan tuwing magiging malungkot o hinihinaan ng loob.


Ultimo ang pagdarasal o simpleng pag-upo at pagbubulay-bulay ng ilang minuto pagkagising, na hindi muna dadamputin ang cellphone, ay paghahanda sa unti-unting pagtaas ng araw.


Alalahanin din natin na minsan ay sabay-sabay ang dating ng mga suliranin o maging ng mga biyaya, kaya’t sanaying kalmado ang sentido at huwag mabigla sa ganyang mga pagkakataon.


Pati ang pag-aasikaso ng mga gawaing ’di madali, kahit paunti-unti lamang, ay paghahanda upang hindi maipit sa kadulu-duluhan. Mas mainam pang maging pagong na tuluy-tuloy ang usad kaysa kuneho na papetiks-petiks hanggang sa huli na ang lahat.

 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page