top of page
Search
BULGAR

Mga hakbang ng gobyerno vs. COVID-19, tiyaking final bago ianunsiyo

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 27, 2021


Binawi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naunang desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na pinapayagang makalabas ng bahay ang mga batang nasa edad 10 hanggang 14.


Ito ay dahil nababahala ang Pangulo na matamaan ng COVID-19 ang mga bata, lalo pa’t kumalat ang bagong variant ng COVID-19 na mula sa UK.


Samantala, hindi pabor ang 17 mayors sa Metro Manila na payagang makalabas ang mga bata, gayundin ang pagluluwag ng quarantine restrictions sa lungsod.


Matatandaang sa naunang desisyon ng IATF, maaari nang makalabas ng bahay ang mga nasa edad 10 hanggang 65 sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ).


Kung tutuusin, katanggap-tanggap naman ang pagbawi ng Pangulo sa naunang desisyon ng IATF, pero sa totoo lang, nakadidismaya dahil parang ang gulo-gulo.


Dahil dito, ang panawagan natin sa mga kinauukulan, sa susunod na magbababa kayo ng desisyon o kautusan, sana ‘yung final na.


Ang hirap naman kasi kung mag-aanunsiyo tayo, tapos ilang araw ay babawiin din. Ang ending, nalilito ang taumbayan at hindi na alam kung kanino susunod, gayundin, marami ang hindi nagseseryoso. At kapag may lumabag o nagkamali, taumbayan na naman ang tatawaging pasaway.


Kaya upang maiwasan ang mga ganitong eksena, maging maingat tayo sa bawat desisyon o hakbang. Kumbaga, pag-isipang mabuti kung talaga bang ipatutupad o hindi, bago ipaalam sa publiko.


Ngayong malinaw na bawal talagang lumabas ang mga bata, utang na loob, ‘wag na tayong pasaway.


Tayong mga magulang ang responsable sa ating mga anak. Tulad ng palagi nating sinasabi, ipaliwanag sa mga bata ang kahalagahan ng pananatili sa tahanan sa gitna ng pandemya.


At higit sa lahat, tayo ang magsilbing ehemplo sa kabataan para seryosohin ang mga hakbang kontra COVID-19.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Recent Posts

See All

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page