top of page
Search
BULGAR

Mga guro, punong-guro at iba pang kawani ng mga paaralan, iprayoridad sa bakuna laban sa COVID-19

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | December 29, 2020



Hinihimok ng inyong lingkod ang National Task Force Against COVID-19 na isama ang mga guro, kabilang ang mga punong-guro at kawani ng mga paaralan, sa mga grupong unang mabibigyan ng bakuna kontra COVID-19.


Mahalagang hakbang ang pagpapabakuna sa mga guro para sa ligtas na pagbubukas ng mga paaralan. Malaki ang maitutulong nito para maging kampante ang mga magulang at ang publiko kapag nagkaroon na ng face-to-face classes sa buong bansa.


Kamakailan naman ay nanawagan din ang United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) na bigyang-prayoridad ang mga guro sa pagpapamahagi ng bakuna kontra COVID-19.


Pero hindi pa mangyayari ang muling pagbubukas ng klase sa mga tinaguriang low-risk areas sa Enero ng susunod na taon kasunod na rin ng direktiba ng Pangulo dahil sa sinasabing bagong uri ng COVID-19 na mas nakahahawa. Bagama’t wala namang ulat na kumalat na ito sa bansa, mas mainam na rin na mag-doble-ingat.


Ang halos 900,000 na mga guro ay itinuturing nating mga magigiting na frontliners, kabilang na ang mga non-teaching staff, dahil sa pamamahagi ng mga learning materials para sa may 87 porsiyento na mga mag-aaral sa gitna ng banta ng COVID-19.


Upang hindi na lumala ang krisis sa edukasyon na kinahaharap ng bansa, dapat ding bigyang-prayoridad ang paghahanda sa muling pagbubukas ng mga paaralan lalo na’t nalalapit na ang pagkakaroon ng bakuna.


Bago pa tumama ang pandemya, ipinakita na ng mga global assessments na Programme for International Student Assessment (PISA) 2018, Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) 2019 at ng Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM) 2019 na nahuhuli na ang mga mag-aaral natin kung ikukumpara sa mga mag-aaral ng ibang bansa at hirap silang matutunan ang mga tinaguriang “basic competencies”.


Patuloy nating tututukan ang mga updates para sa adhikaing ito.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page