ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Jan. 12, 2025
Noong May 31, 2024, nilagdaan ni H. E. Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang Republic Act (R.A.) No. 11997 o tinatawag sa titulong “Kabalikat sa Pagtuturo Act”.
Nakasaad sa polisiya ng nasabing batas ang patakaran ng Estado na protektahan at itaguyod ang karapatan ng lahat ng mamamayan sa isang dekalidad na edukasyon sa lahat ng antas at gumawa ng naaangkop na mga hakbang upang naaabot ng lahat ang magandang edukasyon maging ng mga gastusin na kinakailangan para sa paghahatid ng naturang edukasyon sa lahat.
Upang ganap na mabigyan ng isang dekalidad na edukasyon ang mga mag-aaral, mahalagang bigyang-pansin din ang kapakanan ng mga guro. Kung ang mga ginagamit nilang materyales sa pagtuturo ay kukunin pa nila sa kanilang suweldo ay magiging mabigat na ito na pasanin ng mga guro.
Sa Seksyon 4 ng “Kabalikat sa Pagtuturo Act”, nakasaad ang mga sumusunod:
“Section 4. Teaching Allowance. - All public school teachers shall be granted a Teaching Allowance for the purchase of tangible or intangible teaching supplies and materials, the payment of incidental expenses, and the implementation or conduct of various learning delivery modalities in the total amount of Five thousand pesos (P5,000.00) per teacher for School Year 2024-2025; and Ten thousand pesos (P10,000.00) per teacher for School Year 2025-2026 and thereafter.
The Teaching Allowance shall not be subject to income tax.”
Malinaw sa nabanggit na probisyon na ang lahat ng mga guro sa pampublikong paaralan ay dapat bigyan ng Teaching Allowance para sa pagbili ng tangible o intangible na kagamitan at materyales sa pagtuturo, pagbabayad ng incidental expenses, at pagpapatupad o pagsasagawa ng iba’t ibang learning delivery modalities sa kabuuang halaga na P5,000.00 bawat guro para sa School Year 2024-2025; at P10,000.00 bawat guro para sa School Year 2025-2026 at pagkatapos nito.
Ang teaching allowance na ito ay hindi saklaw ng income tax.
Ang pagkakaloob ng cash allowance na pinahintulutan sa batas na ito ay dapat sumaklaw sa lahat ng mga guro ng pampublikong paaralan na nakikibahagi sa kurikulum ng batayang edukasyon, na naaayon sa mga alituntunin sa patakaran at mga paraan ng paghahatid ng pagkatuto na kinikilala at ipinatutupad ng Department of Education (DepEd).
Kommentare