ni Ryan Sison - @Boses | May 11, 2021
‘Pekeng kidnapping’.
Ito ang paraan ng isang magkasintahan upang magkasama muli. Pero paano kung diskarte ng magkasintahang ito ay magiging sanhi pala ng takot at perhuwisyo sa publiko?
Kamakailan, na-‘hulicam’ ang pagdukot sa isang babae sa Baguio City. Base sa CCTV footage, makikitang naglalakad ang 30-anyos na babae kasama ang dalawang kaibigan. Habang naglalakad, isang van ang huminto sa tabi nila at sinunggaban ang biktima.
Dahil sa takot, agad na ini-report ng dalawang kaibigan ang insidente sa pulisya, na agad nagkasa ng operasyon upang mahanap ang itim na van. Gayunman, napag-alamang ang nangyaring pagdukot ay peke.
Base sa imbestigasyon, ang may pakana ng kunwaring pangingidnap ay mismong biktima at kasintahan nitong bagong laya matapos makulong dahil sa droga. Tutol umano ang pamilya ng babae sa kanilang relasyon, kaya naisip nila ang pangingidnap upang magkasama muli.
Samantala, hindi nagustuhan ng mga kaibigan ng biktima ang nangyari dahil nagdulot umano ito ng takot at trauma sa kanila, kaya naman desidido ang pulisya na sampahan ng kaso ang magkasintahan.
‘Ika nga, lahat ay gagawin para sa pag-ibig, pero utang na loob, iwasan n’yong mandamay ng ibang tao. Kung tutuusin, sayang ang resources at oras ng kapulisan. Sa halip na tumutugon ang mga ito sa iba pang insidente o kaganapan, nagsayang lang ng oras sa pekeng kidnapping. Dagdag pa ang panic at takot na idinulot nito sa publiko.
Kaya panawagan sa lahat, iwasan ang mga ganitong gawain dahil walang maidudulot na maganda. Sabi nga, iwasan nating maging abala o perhuwisyo sa isa’t isa.
At pakiusap sa mga awtoridad, patuloy na parusahan ang mga pasaway d’yan dahil hindi biro ang epekto ng ganitong mga pakulo, hindi lamang sa mga naka-engkuwentro ng pangyayari, kundi maging sa iba pa nating kababayan.
Dapat nating ipakita na seryoso tayo at kaya nating panagutin ang mga dapat managot.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments