ni Ryan Sison @Boses | Jan. 9, 2025
Tiyak na makatutulong nang husto sa ating mga lolo at lola, gayundin sa mga kababayang may kapansanan kung ang mga kinakailangan nilang mga gamot ay mabibili ng mas mura dahil sa diskuwento.
Kaya naman ang Food and Drug Administration (FDA) ay nagnanais na i-expand ang scope ng mga discounted medicine at medical devices hindi lamang para sa mga senior citizen, kundi pati na rin sa mga persons with disabilities (PWDs).
Ayon sa FDA, tinalakay na nila ito sa isang pulong ng mga opisyal ng kagawaran hinggil sa pagpapatupad ng Administrative Order No. 2024-0017, na nag-aalis ng mga booklet ng mga senior citizen bilang requirement para sa kanilang discounted na pagbili ng mga gamot.
Bago ang naturang order, ang mga senior citizen ay kinakailangang magpakita ng valid identification at reseta ng doktor para makakuha sila ng mga medical discount.
Subalit sa ginawang pagpupulong, anang FDA ay pinag-aralan din nila ang posibleng pagpapalawig ng mga diskuwento hindi lamang para sa mga senior citizen kundi pati sa mga PWD.
Pahayag ng kagawaran na pinag-aaralan din nila kung paano mas maipapatupad ang value-added tax (VAT) exemptions sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) law, at iba pang diskuwento na ibinibigay sa ilalim naman ng iba’t ibang batas natin para i-expand ang mga benepisyo.
Nagpaplano na rin silang magsagawa ng malawakang information drive para maliwanagan ang publiko sa mga benefit na ito.
Sinabi pa ng FDA, na ang mga drug store at mga healthcare provider ay makikinabang din mula sa pinasimple na mga transaksyon at sa tinatawag na streamlined discount process.
Talagang kabawasan sa pasanin ng ating mga lolo’t lola at kababayang PWD kung agad na mapapalawak ang diskuwento sa kanilang mga resetang gamot at iba pang kagamitang medikal.
Hindi lang magdudulot ito ng mabilis na proseso sa mga transaksyon, magiging malaking tulong pa para sa kanila, lalo na sa mga mahihirap na komunidad.
Sa ganitong paraan, nakikini-kinita na rin natin na mas madali silang gagaling sa anumang sakit dahil mura na nilang mabibili ang kinakailangang gamot na panlunas at mga bitamina.
Sa kinauukulan, bukod sa pagtugon sa kalagayan ng ating mga senior at PWD, ituon din sana natin ang pansin sa pangangailangan at kapakanan ng mga mahihirap na kababayan. Alalahanin sana ang mga natutunan natin noong panahon ng pandemya upang huwag nang maulit pa na maraming nagbuwis ng buhay, dahil may responsibilidad din naman kayo kung saan dapat pangalagaan ang kalusugan ng bawat mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentarios