@Editorial | June 07, 2021
Nagsimula na ang tag-ulan, kasabay nito ang paalala sa publiko na mag-ingat at sana’y hindi naman grabe ang maging dala ng pag-ulan.
Isa sa mga inaalala ay ang tila walang kamatayang pagbaha na isa sa mga nakikitang ugat ay basura.
Kapansin-pansing marami pa rin ang walang disiplina sa pagtatapon ng basura. Simpleng gawain pero, hirap sundin ng iba.
Samu’t saring bagay ang itinatapon kung saan-saan na babara na naman sa mga daluyan ng tubig. Dagdag na itong mga facemask na gamit na gamit ngayong pandemya. Madalas tayong may makitang mask na nakakalat sa kalsada, sa kabila ng paalala na itapon ito nang maayos dahil maaari rin maging banta ng lalong pagkalat ng virus. Kumbaga, hindi sa pagsusuot ng facemask natatapos ang ating responsibilidad sa gitnan ng pandemic, kundi hanggang sa wastong pagtatapon ng mga ito.
Ngayon, kung may mga burara pagdating sa bagay na ‘to, tiyak na dagdag ‘yan sa basura ngayong tag-ulan na posibleng dagdag-bara na lalong magpapagrabe sa pagbaha.
Una na ring ipinaliwanag na ang responsableng pagtatapon ng mga gamit na disposable face masks ay makaiiwas sa panganib na puwedeng maidulot nito sa terrestrial and aquatic animals.
Hindi lang mga sarili natin ang dapat na protektahan kundi maging ang lahat nang may buhay.
Mga magulang, turuan natin ang mga bata na maging responsable at disiplinado pero una sa lahat, tayo muna ang magsilbing ehemplo para sa kanila.
Comments