top of page
Search
BULGAR

Mga gala at tambay, mahiya naman kayo!

@Editorial | August 08, 2021



Sa unang araw ng balik-Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila, umabot sa 1,848 katao ang nahuhuli ng Philippine National Police (PNP).


Kaugnay ito sa paglabag sa umiiral na curfew.


Sa nasabing bilang, 605 ang nabigyan muna ng warning.


Aabot naman sa 1,235 ang pinagmulta habang ang walo ay pinag-community service.


Matatandaang ipinatupad ang curfew at ECQ sa Metro Manila dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 dahil na rin sa banta ng Delta variant.


Umiiral ang curfew mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling-araw at tatagal nang hanggang Agosto 20.


Sa pamamagitan ng curfew, mababawasan ang paggalaw ng tao. Wala nang pagala-gala at patambay-tambay.


Kapansin-pansin kasi na marami ang nakampante at nagpabaya nang luwagan ang quarantine.


Kaliwa’t kanan ang paglabag sa mga panuntunan sa gitna ng pandemya. Para bang wala nang virus sa paligid.


Tila mas lalo pang naging pabaya nang umarangkada ang pagbabakuna. Nag-feeling safe ang mga naturukan, halos babad sa labas, puma-party, sige ang travel. Mahiya naman kayo!


Dedma sa paulit-ulit na paalala na ang bakuna ay hindi lisensiya para magwalwal o magpasaway sa mga ipinatutupad na health protocols.


Ngayon, pare-parehong nanahimik sa bahay, pati kabuhayan damay. Higit na kawawa na naman ang mga naghahanapbuhay. Hindi pa nga nakakabawi, balik-tambay na naman.


Kung hindi titino ang mga pasaway, kahit araw-arawin ang lockdown, mukhang wala nang pag-asa.


Kapag sinabing manahimik sa bahay, manahimik sa bahay! Huwag na tayo sumali sa pagkalat ng sakit.


Ang dalawang linggo pagpapakabait ay malaking tulong sa sitwasyon.


Kahit sa ganitong paraan, makabawi man lang tayo sa mga frontliners, lalo na sa mga health workers.

0 comments

Recent Posts

See All

Komentar


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page