top of page
Search

Mga gabinete sa administrasyong Marcos, inaabangan

BULGAR

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | May 17, 2022


Isa-isang bumabati ang mga pinuno ng ibang bansa kay Bongbong Marcos, Jr. sa kanyang pagkapanalo sa nakaraang eleksyon.


Unang bumati ang China, siyempre. Sumunod si Pangulong Joe Biden ng Amerika. Bumati rin si Vladimir Putin ng Russia sa kabila ng kasalukuyang digmaan sa Ukraine. Bumati na rin si Prime Minister Kishida Fumio ng Japan. Lahat tila iisa ang mensahe – seguridad sa rehiyon at pagpapatibay ng relasyon.


Ito nga ang unang isyu na dapat harapin ng administrasyong Marcos. Mainit pa rin ang isyu ng seguridad sa rehiyon dahil sa malawakang pag-aangkin ng China sa karagatan.


Ayon kay DFA Sec. Locsin, ang Amerika ang pinaka-vocal na partner sa pagpapatibay ng pagkapanalo ng bansa sa UN Permanent Court of Arbitration noong 2016. Ang Amerika nga lang ang puwedeng humarap sa China sa karagatan sa pamamagitan ng mga barkong pandigma na nagpapatrol doon.


Alam natin kung gaano nilapit ni Pangulong Duterte ang bansa sa China. Kulang na lang yakapin at halikan ni Pangulong Duterte si Pres. Xi Jinping tuwing nagkikita sila.


Kung paano didiskartehan ni Marcos ang relasyon ng bansa sa China at Amerika ay kailangan pa rin makita. Kaya mahalagang malaman kung sino-sino ang ilalagay sa kanyang gabinete.


Si Sara Duterte na magiging pangalawang pangulo ay pinahawak ang DepEd.


May mga umalma agad dito. Si Benhur Abalos, ang ilalagay sa DILG, tila pasasalamat sa kanyang paghawak sa kampanya ni Marcos.


Sila pa lang ang may sigurado nang posisyon sa gabinete. Inaabangan nga ng mga negosyante kung sino ang itatalaga ni Marcos sa kanyang economic team.


Si Martin Romualdez, pinsan ni Marcos, ang inaangat na maging sunod na Speaker of the House sa susunod na Kongreso ng Pilipinas. Inendorso pa siya ni dating Pangulong Gloria Arroyo. Ang naaalala ko r’yan ay ang pagbayad umano ni Romualdez sa hapunan ng grupo ni Arroyo noong pangulo pa siya, sa Le Cirque sa New York City kung saan ang hapunan ay umabot daw ng $20,000, isang milyong piso noong panahong iyon.


Sila-sila ang magkakaalyado na naman ngayong nasa kapangyarihan na naman ang mga Marcos. Pulitikang-Pilipino nga naman.

0 comments

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page