ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | April 01, 2023
Simula nang maupo bilang Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary si Jose Arturo Tugade, kabi-kabila ang kanyang pagsisikap para tuluyan nang wakasan ang talamak na operasyon ng fixer sa halos lahat ng kanilang tanggapan.
Katunayan ay sunud-sunod ang ginagawang pagtugis ng pamunuan ng LTO sa iba’t ibang sangay ng naturang ahensya at napakarami ng nasakoteng mga fixer at sinampahan na ng kaukulang kaso.
Pero bilang suporta natin sa ginagawang paglilinis ng LTO sa kanilang tanggapan, palagi nating isinusulat na hanggang sa kasalukuyan ay tuloy pa rin ang operasyon ng mga hindi natitinag na fixer dahil sanay na sa karagdagang kita ang ilang kasabwat na empleyado.
Hindi naman kasi ito parang gripo lang na ‘pag pinatay ay hihinto na agad ang operasyon dahil nakabaon na ang fixer sa sistema, ngunit hindi tayo nawawalan ng pag-asa sa pagsisikap ng LTO na masugpo ito.
Marami ang humanga sa ginawa ni Secretary Tugade at Executive Director Giovanni Lopez na nagpanggap na kukuha ng bagong lisensya suot lamang ang facemask at sumbrero dahil naranasan nila nang personal kung paano sila alukin ng serbisyo ng mga fixer.
Ang resulta, limang hinihinalang fixer ang nasakote sa akto ng pinagsanib-puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ng LTO noong Miyerkules sa harap mismo ng kanilang tanggapan sa Novaliches District Office sa Quezon City.
Kumbaga, napatunayan mismo na ang ating panulat tungkol sa mga fixer na hindi pa rin tumitigil sa kabila ng kautusan at paghihigpit ng pamunuan ng LTO ay tuluy-tuloy pa rin sa ilegal na gawain.
Inaabangan ngayon ng publiko kung ano ang magiging resulta ng pangyayaring ito dahil ang limang nasakote ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9885 o Anti-Red Tape Act of 2007.
Higit sa lahat, sinuspinde sa puwesto ang hepe ng Novaliches District Office ng LTO habang iniimbestigahan umano ang naturang pangyayari at dito, malaki ang posibilidad na maabsuwelto ang hepe dahil sa kawalan ng magagamit na ebidensya.
Kung mapapatunayan na ang sinuspindeng hepe ay nakikipagsabwatan sa mga nasakoteng fixer, tiyak na may paglalagyan ito. Pero ang mabigat ay kung paano ito patutunayan dahil tiyak na hindi naman ikakanta ng mga fixer kung sino ang kanilang kasabwat.
Napakalawak na kasi ng sabwatan sa tanggapan ng LTO, tulad na lamang sa main office sa Quezon City, kung saan marami sa compound ng LTO ay may maliliit na opisina ng insurance company para sa mga nagpaparehistro ng sasakyan.
Ngunit ang karamihan sa mga opisinang ‘yan ay nag-aalok din ng serbisyo para mapadali ang pagkuha ng driver’s license mula sa online examination hanggang sa medical examination ay kasabwat sa pagproseso.
Kaya wala talagang empleyado ang mahuhuli sa aktong tumatanggap ng pera dahil ang mga opisina ng insurance company at medical clinic ang tumatanggap ng bayad at nilalagyan lamang ng palatandaan ang mga papel na bayad na at alam na ito ng mga empleyado ng LTO.
Pagkatapos ng office hours, hinahati-hati ang maghapong kinita ng mga fixer at halos lahat ng empleyado ay inaabot ng partihan, kaya medyo mahihirapan talaga ang pamunuan ng LTO kung paano ito masasawata.
Hindi natin tinatawaran ang kakayahan ng bagong pamunuan ng LTO sa kanilang zero tolerance sa korupsyon, ngunit pagdating sa fixer, para silang humihila ng barko sa lupa dahil mas maayos pa ang sistema ng fixer at mga empleyado kumpara sa mismong LTO.
Sa ngayon, dahil mainit ang sitwasyon, tiyak magpapalamig muna ang mga fixer, ang iba ay mangingilin muna dahil tiyempong Mahal na Araw at wala namang pasok, pero paghupa ng sitwasyon ay tiyak na balik-operasyon na naman ang mga ito.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments