ni Thea Janica Teh | November 24, 2020
Isasailalim ng Department of Health (DOH) sa COVID-19 test ang lahat ng residenteng dinala sa evacuation center sa Tuguegarao City matapos ang pananalanta ng Bagyong Ulysses, ayon kay Mayor Jefferson Soriano.
Nakapagtala na ng 477 kaso ng COVID-19 sa probinsiya simula noong Marso at mayroon na lamang 118 aktibong kaso.
Ayon kay Soriano, uunahin sa test ang 3,500 residenteng nakararanas ng ilang sintomas. Sinabi rin nito na 3 araw gagawin ang test at mauuna na umano siyang sumailalim upang mahikayat pa ang ilang residente.
Tatlong beses nang isinailalim sa lockdown ang probinsiya matapos makapagtala ng community transmission.
Samantala, nasa 5 evacuees na ang kumpirmadong positibo sa virus sa evacuation center sa Marikina City na lubha ring naapektuhan ng Bagyong Ulysses.
Sa ngayon, may 420,614 kabuuang kaso na ng COVID-19 sa bansa, 386,604 dito ang gumaling at 8,173 ang namatay. Mayroon na lamang 25,837 aktibong kaso sa kasalukuyan.
Comments