ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | September 15, 2020
Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, hinihimok ng inyong lingkod ang mga paaralan na paigtingin ang pagpapalawak ng kaalaman kung paano maiiwasan ang pag-akyat ng mga kaso ng pagpapakamatay o suicide. Mas nanganganib kasing makaranas ang ating mga mag-aaral ng stress at anxiety dahil sa COVID-19.
Ayon sa Department of Education (DepEd), may isang mag-aaral silang natukoy na nagpakamatay dahil sa epekto ng pandemya. Kamakailan naman ay iniulat ng National Center for Mental Health (NCMH) ang pagdami ng mga natatanggap nitong tawag na may kinalaman sa suicide mula noong nagkaroon ng lockdown. Mula sa 33 na bilang ng tawag na natanggap ng NCMH mula Enero hanggang Marso ngayong taon, dumoble ito sa 66 noong Abril hanggang sa pumalo ito sa 115 noong Hulyo. Tumaas pa ito ng halos 50 tawag noong Agosto 15.
Ayon pa sa 2015 Global School-based Student Health Survey na isinagawa ng World Health Organization (WHO), halos 17 porsiyento ng mahigit 8,000 kalahok na mag-aaral sa Pilipinas na may edad 13 hanggang 17 ang nagtangkang magpakamatay. Lumalabas na 12 porsiyento naman ang nagbalak na magpakamatay.
Kaya nga lalo nating nais bigyang-diin ang kahalagahan ng psychosocial support lalo na ngayong nag-aalala rin ang mga kabataan sa pagkawala ng trabaho ng kanilang mga magulang at may pangamba sa paglipat sa distance learning.
Kailangang maging bahagi ng pagtuturo sa kabataang mag-aaral ang mga programa sa mental health at psychosocial support at kung paano makaiiwas sa mga senyales na maaaring mauwi sa pagpapakamatay. Sa tulong nito, mabibigyan ng agarang aksiyon ang mga ganitong pangyayari at agad na maiulat sa mga awtoridad.
Maliban sa pagsasagawa ng counseling sessions para sa mga estudyante at pagsasanay sa mga guro kung paano magpapaabot ng psychosocial first aid, dapat mayroon ding mga programa para sa peer counseling upang mahiyakat ang mga bata na magdamayan at magbigay ng suporta sa isa’t isa.
Dahil sa mga pangamba at kawalan ng kasiguruhan ngayong panahon ng pandemya, bahagi na ng ating paglaban sa COVID-19 ang pangangalaga sa mental na kalusugan ng mga kabataan.
Naniniwala tayong mahalaga ang tungkulin ng ating mga paaralan upang bigyan ng pang-unawa at suporta ang mga mag-aaral nang sa gayun ay hindi sila mawawalan ng pag-asa.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments