ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | April 13, 2023
Pagdating sa edukasyon ng ating mga kabataang mag-aaral na may kapansanan o learners with disabilities, dapat matiyak ng pamahalaan na epektibo ang pagpapatupad ng batas sa inclusive education para sa kanilang kapakanan—walang iba kundi ang Republic Act No. 11650 o ang Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act.
Lumalabas sa 2022 Country Report on Human Rights Practices ng Pilipinas na inilabas ng United States State Department na hindi epektibong naipapatupad ang batas at nananatili ang maraming mga balakid sa mga mag-aaral na may kapansanan, kabilang ang mga hadlang sa imprastruktura na isa sa mga dahilan kung bakit hirap ang mga may kapansanan na makapag-aral. Bukod dito, pinuna rin ng mga stakeholders at education advocates na kahit mahigit isang taon na mula nang nilagdaan ang batas ay hindi pa lumalabas ang Implementing Rules and Regulations (IRR) nito.
Nakasaad din sa ulat ng US Department of State na walang malinaw na sistema ang pamahalaan para ipalaganap sa mga magulang at mga batang may kapansanan ang kanilang mga karapatan sa edukasyon. Gayundin, wala umanong malinaw na proseso para sa pag-uulat ng diskriminasyon sa edukasyon.
Hindi natin puwedeng ipagsawalang-bahala ang IRR dahil ito ang magtatakda sa mga minimum services at conditions sa mga admission system at polisiya ng mga paaralan, kabilang ang probisyon ng mga assistive devices, mga pasilidad at imprastraktura para sa proseso ng admission, at iba pang mga anyo ng reasonable accommodation.
Para matiyak ang unti-unting pagsasakatuparan sa mga layunin ng RA 11650, nakasaad sa batas na kinakailangan ang pagbuo ng multi-year roadmap na gagabay sa pamahalaan at pribadong sektor. Nakasaad sa batas na dapat ilagay sa multi-year roadmap ang kasalukuyang polisiya, mga practices, mga kakulangan, at mga hamong kinakaharap sa edukasyon ng mga mag-aaral na may kapansanan. Mandato ng roadmap na magbalangkas ng mga detalyadong target at mga inaasahang resulta sa loob ng limang taon.
Sa kabila ng mga hadlang para makamit nang tuluyan ang mga layunin ng batas, may ilang mga hakbang naman na maaari nang gawin ang gobyerno. Nakalaan ang P160 milyon sa ilalim ng capital outlay ng Department of Education (DepEd) para sa pag-convert ng isang Special Education Center kada rehiyon upang maging modelong Inclusive Learning Resource Center o ILRC. Sa pamamagitan ng pondong ito sa ilalim ng 2023 national budget, unti-unti nitong palalawakin ang access sa mga programa para sa inclusive education.
Sa nasabing batas, iminamandato na makapagpatayo ng isang ILRC para sa learners with disabilities sa bawat lungsod at munisipalidad. Inaasahang ipapatupad ng mga ILRC ang mga programa para sa inclusive education at maghahatid ng mga libreng serbisyo para sa mga mag-aaral na may kapansanan. Kasama rito ang language and speech therapy, occupational therapy, physical at physiotherapy, probisyon ng mga kuwalipikadong sign language interpreters, at iba pa.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comentarios