top of page
Search
BULGAR

Mga epalitiko sa gitna ng pandemya, ekis!

@Editorial | July 23, 2021



Kung ang iba ay todo-handa sa kung paano haharapin ang “worst-case scenario” ngayong may kumpirmado nang kaso ng COVID-19 Delta variant, aba’y puspusan naman sa pag-aanunsiyo ang mga atat sa eleksiyon 2022.


Kani-kanyang announcement na sila’y tatakbo o muling tatakbo at may pa-line up ng mga kasamang eepal este kakandidato.


Ang mas matindi, ‘yung tinodo na hanggang sa pag-iikot kung saan-saan para mas obvious ang paramdam.


‘Ika nga, bato-bato sa langit, ang tamaan, huwag magagalit.


Eh, ang tanong ng taumbayan, habang busy kayong mga epalitiko sa tila maagang pangangampanya, ano naman kaya ang ambag n’yo ngayong may laban pa rin sa pandemya na sinasabayan pa ng bagyo?


Puro kayo papogi, mula sa TV, radyo at hanggang sa social media, istayl bulok sa pamumulitika.


Sobrang lumang diskarte na ‘yung pagbalandra ng pagmumukha, hindi na ‘yan bebenta, sa halip, mas nagmumukha lang kayong katawa-tawa. Ang gustong makita ng mamamayan ay gawa at hindi puro kaepalan.


Ang tunay na may “K” ay silang natural ang pagbibigay-serbisyo sa publiko. Walang pinipiling tao, lugar o pagkakataon. Hindi kailangang may kamera o maraming tao para makitang nagtatrabaho.


Kaya sa huli, tayong mamamayan pa rin ang dapat na maging mas may papel at kapangyarihan hindi silang mga epal at sakim sa posisyon.


Gamitin nating basehan ang lahat ng ating pinagdaanan.


‘Pag todo-porma at daldal lang, ekis na ‘yan!

0 comments

Recent Posts

See All

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page