@Editorial | June 24, 2021
Ilang tulog na lang ay Eleksyon 2022 na, tiyak hindi na nagkakatulog ang mga nag-aambisyon sa puwesto.
Ngayon pa lang, kani-kanya nang diskarte ang mga pulitiko at partido kung paano magpapapansin sa publiko. Ang masaklap, nasa gitna pa tayo ng pandemya, pamumulitika na ang inaatupag.
Sa social media, amoy na amoy ang kampanya. Kaliwa’t kanan ang talakan, tinetesting kung sino ang magiging mabenta o kung sino ang lalangawin sa balota. Unti-unti na namang nahahati ang taumbayan, naglilitawan ang iba’t ibang kulay na nauuwi sa away.
Kapansin-pansin din ang galawan ng mga papogi. Nagsisibaba sa mga barangay, todo-kausap sa mahihirap, sabay-abot ng kung anu-ano, kulang na lang sabihin na siya ang iboto sa 2022, kapal! Sila ‘yung mga madali raw lapitan pero mahirap naman hanapin. Tipong sa kampanya lang makikita pero buong termino kahit paramdam wala.
May pandemya, ganyan pa rin ang istayl n’yo? Bulok!
Kaya ang paalala sa taumbayan, maging mas matalino at bantayan ang diskarte ng mga epal na ‘to. Tiyak na gagamitin ng mga kapalmuks ang sitwasyon na marami ang nangangailangan.
Ngayon ang panahon na mas dapat nating makilatis nang todo kung sino ang mga karapat-dapat na mamuno sa ating bayan.
‘Yung mga patulug-tulog sa pansitan, walang pakialam sa mga nangyayari sa gitna ng pandemic, mga pasimuno sa pagpapasaway, ekis na ‘yan!
Comments