ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Feb. 12, 2025
Photo: Sharon, Gretchen at Heart - The Aivee Clinic
May namumuong rivalry-competition ngayon sa pagitan nina Dra. Vicki Belo at Dra. Aivee Aguilar-Teo dahil sa kanilang mga celebrity endorsers.
Dati-rati ay nasa poder ni Dra. Belo ang mga sikat na celebrities sa showbiz. Sa kanya nagpapaalaga ng kutis ang malalaking artista.
Ngayon, nasa kanya pa rin naman ang mga artistang loyal sa Belo Clinic tulad nina Anne Curtis, Julia Barretto, Kim Chiu, Alex Gonzaga, Isabelle Diaz, Solenn Heussaff, Andrea Brillantes, Maris Racal, atbp..
Pero unti-unti nang nagiging popular sa mga big stars si Dra. Aivee Teo, na isang magaling na dermatologist. Ang kanyang mga celebrity clients ay sina Gretchen Barretto, Heart Evangelista, Sharon Cuneta, Jennylyn Mercado, atbp..
Ang Belo Medical Clinic ay may 15 branches na at hanggang Cebu at Davao ay may clinic sila. Si Dra. Vicki Belo ang CEO at Medical Director ng Belo Medical Group. Hindi lang sa mga medical service at procedure sila kumikita kundi pati na rin sa mga beauty products na pang-masa.
Samantala, ang Aivee Clinic ay nagsisimula pa lang sa kanilang expansion, pero gumagawa na sila ng pangalan at dinarayo ngayon ng mga top celebrities at ng mga ‘richie-richie’ (mayayaman) socialites.
NAGMARKA sa marami ang term na ‘Sharon Cuneta’ kapag may mga nagte-takeout o nagbabalot ng mga ulam sa anumang handaan. At nakakatuwa naman na mismong si Megastar Sharon Cuneta ay aminadong nagsa-‘Sharon’ din, lalo na kapag may handaan sa bahay ng kanyang Tita Helen Gamboa.
Ang ‘Sharon Cuneta’ term ay galing sa hit song noon ni Shawie na Bituing Walang Ningning (BWN) kung saan may linyang…“Balutin mo ako sa hiwaga ng iyong pagmamahal.”
At para hindi halata ang term na ‘balutin’, ginawa na lang itong “I-Sharon Cuneta mo!”
At dahil popular nga sa lahat ang nasabing termino, kinuhang endorser ng life insurance si Megastar Sharon Cuneta. Ang concept ng commercial ay tungkol sa pagte-take home ng mga natirang ulam sa mga handaan.
Sa nasabing commercial ni Shawie para sa isang insurance company, naglabas siya ng plastic bags at plastic containers na lalagyan ng leftover food. Nagbigay pa siya ng tips kung paano magsa-‘Sharon Cuneta’ sa handaan.
Nakakatuwa at marami ang makaka-relate sa nasabing commercial ng insurance. Sana mapanood ito sa telebisyon.
Curious naman ang mga netizens kung magkano kaya ang ibinayad na talent fee (TF) kay Megastar Sharon sa nasabing commercial?
Ibang klase ang pagkakaibigan ng Diamond Star na si Maricel Soriano (Marya) at ni Chanda Romero.
Malaki ang respeto ni Marya kay Chanda at itinuturing niya itong best friend at second mom. Naging close sila dahil nagkasama sa mga pelikulang Saan Darating ang Umaga (SDAU) Yesterday, Today & Tomorrow (YT&T), Pabling, atbp..
Kung si Maricel Soriano ay mataray at palaban—isang image na kinatatakutang makatrabaho ng ibang artista—sweet naman siya at jologs kapag si Chanda Romero ang kasama.
Kaya sa vlog ni Maricel na “Maganda Ako” kung saan si Chanda Romero ang kanyang nakatsikahan, hindi matapus-tapos ang kanilang kuwentuhan. Panay ang flashback nila sa mga panahong gumagawa sila ng pelikula sa Regal Films. At natutuwa sila noon kay Snooky Serna dahil napakabagal daw kumilos, kaya binansagang ‘pagong’.
Hinding-hindi makakalimutan ni Maricel na sa panahon na may problema siya sa kanyang love life, si Chanda Romero ang dumamay sa kanya at nagbigay ng motherly advice. Kaya hanggang ngayon, “Nanay” ang tawag niya sa aktres.
MARAMING fans ni Gabbi Garcia ang natuwa nang finally ay siya ang napili na maging co-host nina Bianca Gonzalez at Robi Domingo sa PBB Collab Celebrity Edition.
Hindi na maninibago pa si Gabbi sa kanyang pagho-host dahil may experience na siya sa pagho-host ng iba’t ibang events. Smart siya at very confident sa sarili.
Mas gagaling pa siya at mahahasa ang kanyang hosting skills ngayong host na rin siya sa PBB Collab Celebrity Edition. Matutulungan din siya nina Bianca Gonzalez at Robi Domingo.
Ang tanong ng mga fans ngayon ay kung mararanasan din kaya ni Gabbi ang mapasok sa Bahay ni Kuya tulad ng pinagdaanan nina Bianca at Robi? Paano siya makaka-relate sa mga celebrity contestants na mapipili?
Matatandaang nag-audition din noon si Gabbi Garcia sa PBB Season 4 noong 2012. Hindi siya pinalad na mapili at makapasok. Kaya ngayon, hindi niya akalain na isa siya sa mga co-hosts ng PBB Collab Celebrity Edition.
Comments