ni Lolet Abania | January 20, 2021
Pansamantalang isasara at isasailalim sa lockdown ang Kalibo International Airport sa Kalibo, Aklan mula Enero 19 hanggang Enero 21 para sa disinfection.
Ito ay matapos dumami ang bilang ng kaso ng may COVID-19 mula sa mga airport employees.
Noong Enero 15, nag-isyu ng isang memorandum ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) upang isailalim sa lockdown sa mga nasabing petsa ang lahat ng lugar sa paliparan para sa pagsasagawa ng "complete disinfection”.
Ayon sa CAAP, sarado ang Passenger Terminal Building, ARFF Station at CAAP Administrative Office. Ibabalik ang normal operation ng paliparan sa Enero 22.
Kamakailan, naiulat ng Provincial Health Office na 11 CAAP employees ang nagpositibo sa test sa COVID-19 sa isinagawang mass testing sa lahat ng empleyado.
Samantala, nitong Enero 17, ang bilang ng kumpirmadong COVID-19 cases sa Aklan ay umabot sa 547, kung saan sa nasabing bilang, 80 ang active cases, 19 ang namatay at ang natira rito ay nakarekober na sa sakit.
Comments