ni Mylene Alfonso | June 21, 2023
Makatatanggap ng bonus ang mga empleyado ng Department of Agriculture (DA) kasunod ng 125th founding anniversary ng ahensya.
Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na siya ring DA Secretary makaraang pangunahan ang opening ceremony ng pagkakatatag ng ahensya sa Quezon City.
Sa photo opportunity, inihayag ni Marcos na ang mga bonus ay para sa pagsisikap na rin ng mga empleyado.
Pabirong sinabi ng Punong Ehekutibo ang tungkol sa bonus para ngumiti ang mga empleyado nang kinukuhanan ng larawan.
"Binubulungan ako ng ating butihing Senadora (Senator Cynthia Villar) at ang ating kasamahan at lahat ng mga taga-DA, sabi sayang naman ang dami nating pinapagawa
sa mga tao dahil anniversary, dapat may bonus," ani Marcos.
"So, dagdagan naman natin ng kaunting bonus. Sabi naman ni Usec. Ding, eh may savings naman daw kayo, bakit hindi. Inuna ko na doon sa selfie para nakangiti kayo sa picture," saad pa niya.
"Titingnan ko pa kung ano 'yung savings natin pero may bonus kayo," tugon ni Marcos sa panayam ng mga mamamahayag nang tanungin kung magkano ang magiging bonus ng bawat empleyado.
Comments