ni Ryan Sison - @Boses | October 14, 2021
Matapos sabihin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na sa kanilang tingin ay handa na ang Alert Level 4 sa National Capital Region (NCR) para sa mas mababang alert level, may ibang opinyon naman ang isang grupo ng mga doktor.
Giit ng grupo, naniniwala silang dapat palawigin pa ang Alert Level 4 sa NCR sa kabila ng pagbaba ng mga kaso ng COVID-19. Paliwanag ni Philippine College of Physicians (PCP) President Dr. Maricar Limpin, baka dumami na naman ang mga kaso kung magluluwag at mas mabuting hintayin muna na dumami pa ang bilang ng mga taong nababakunahan.
Matatandaang hanggang Oktubre 15 na lang ang epekto ang Alert Level 4 sa Kamaynilaan at nauna nang sinabi ng Malacañang na malaki ang tsansang ibaba ang alert level ng Metro Manila, bunsod na rin ng pagbaba ng intensive care unit utilization rate.
Gayunman, ayon kay Limpin, minsan ay palaisipan sa kanila kung paano bumaba ang bilang ng mga kaso kahit nananatiling marami ang pasyente sa mga ospital.
Bagama’t makabubuti sa mga negosyo ang pagbaba ng alert level sa Kamaynilaan, hindi naman natin puwedeng dedmahin ang posibilidad na magkaroon ng hawahan. At kahit nakikita ang pagganda ng mga numero sa Kamaynilaan, dapat manatili ang pag-iingat ng publiko.
Samantala, pakiusap sa mga kinauukulan, ‘wag ding dedmahin ang suhestiyon ng mga medical experts dahil sila ang mas nakakaalam ng sitwasyon sa mga pagamutan. Isa pa, sila ang humaharap sa mga pasyente at kung muling bubuhos ang mga ito, pahirapan na naman sa pagtugon sa kanilang mga pangangailangan dahil na rin sa kakulangan ng health workers.
Kaya bago magluwag, isaalang-alang ang mga puwedeng mangyari. Ayaw naman nating maging nega, pero ‘pag umabot sa puntong muling tumaas ang hawahan, ano ang gagawin natin, babalik sa Alert Level 4 o magla-lockdown ulit?
Ilan lang ‘yan sa mga maaaring mangyari kaya sana lang ay maging handa tayo rito.
Masyado na tayong matagal sa sitwasyong ito kaya sana lang, bawat hakbang ay pinag-iisipan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments