top of page
Search
BULGAR

Mga detalye at impormasyon sa Single Ticketing System, dapat alam ng lahat ng motorista

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Pebrero 11, 2023


Sinimulan na ang Single Ticketing System sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila gamit ang makabagong sistema at pantay-pantay na pagpataw ng batas at multa para sa mga lalabag sa batas-trapiko.


Base sa fine matrix na ipinatutupad, ang pinakamababang multa na maaaring ipataw ay P500 at ‘yan ay para sa paglabag sa number coding scheme, tricycle ban (nagmamaneho ng tricycle sa highways), dress code for motorcycle (tulad ng pagsusuot ng shorts at tsinelas) at ang pagiging arogante o kawalan ng paggalang sa enforcer.


Medyo may kamahalan ang multa sa paglabag sa truck ban kung saan sa unang pagkakamali pa lamang ay multang P3,000 na at kapag nahuli naman na nag-counterflow sa ikalawang pagkakataon ay P5,000.


Ang pinakamataas na puwedeng multa ng isang violator ay aabot sa P10,000 at ito ay para sa pinal o third offense na hindi pagsusuot ng helmet at ang paglabag sa Children’s Safety on Motorcycle Act na dapat ay tandaan mabuti ng ating mga ‘kagulong’.


Sa guidelines at inilabas na fine matrix ay walang nakikitang problema, ngunit isa sa mga hindi dapat maantala ay ang kailangang makapagpasa ang Metro Manila LGUs ng ordinansa na aayon sa Metro Manila Traffic Code 2023 bago dumating ang Marso 15.


Ito ay upang maiwasan ang pagkalito at maayos na maipatupad ang intensyon sa standardization, kinakailangang iayon ng mga alkalde ang depinisyon at halaga ng multa ng traffic violations sa kanilang mga ordinansa upang tuluyan nang maipatupad ang sistema sa buwan ng Abril.


Kung ang Metro Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO) o kahit ang mga mayors ng Metro Manila Council ang tatanungin, ang Single Ticketing System umano ay malaking tulong para mapagaan ang sitwasyon ng mga motorista.


Idagdag pa ang malaking pagbabago na sa halip na ordinaryong violation ticket ay handheld ticketing device na ang gamit ng mga enforcer, bukod pa sa high technology at seryosong implementasyon ay masasabing maganda ang intensyon ng hakbanging ito.


Isipin n’yo na lang na matapos ang 28 taon ay natuloy na rin ang single ticketing system matapos na magkasundo ang mga mayor sa Metro Manila Council meeting at unti-unti ay pinupulido na ang bagong sistemang ito.


Pero ang tanong ng marami nating kababayan, kung maipatutupad ba nang maayos ang single ticketing system, gayundin naging maayos ba ang pagpapakalat ng impormasyon hinggil dito at tiyak ba na maliwanag sa mga motorista ang mga detalye?


May kasabihan tayo na, “Ignorance of the law excuses no one,” na kung basta na lamang natin ipatutupad ang mga bagong kautusan nang walang sapat na impormasyon ay baka magkaroon ng kalituhan sa panig ng ating mga kababayang kulang sa kaalaman.


Base sa MMDA Resolution No.23-02, ang single ticketing system ay pag-iisahin ang national at local laws hinggil sa traffic enforcement at epektibo umano itong transport at traffic management sa Metro Manila.


Bukod sa maiiwasan ang kalituhan, mas mapabibilis din umano nito ang proseso sa pagbabayad ng penalty dahil kung dati ay kinakailangan pang personal na magtungo sa isang munisipyo kung saan nagawa ang traffic violation, ngayon ay puwede na ang online payment.


At para magawa ito, maglalagay umano ang mga Local Government Unit (LGU) ng Information Technology (IT) system upang magkaroon ng interconnectivity sa database ng Land Transportation Office (LTO) at hindi pa natin alam kung ano ang magiging resulta nito.


Ang isa pa sa bentahe ng single ticketing system, ayon sa paliwanag ng MMDA ay maiiwasan na umano na maisyuhan ng dobleng ticket ng magkaibang LGU ang isang motorista sa kaparehong traffic violation.


Sa napakaraming paliwanag hinggil sa single ticketing system, marapat lamang na puliduhin ang sistema at bawat detalye ng hakbanging ito para hindi magaya sa sinapit ng no contact apprehension policy na biglang ipinatupad nang kulang sa pag-aaral at sa huli ay nabasura. Sayang!


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page