ni Melba Llanera @Insider | Jan. 20, 2025
“If may maayos na mga bagay, mangyayari at mangyayari ‘yun in God’s perfect time,” ito ang naging pahayag sa amin ni Kean Cipriano nang tanungin namin siya sa nakaraang Love: Sessionistas The Pre-Valentine Concert na magaganap sa darating na February 8 sa The Theater ng Solaire Casino and Resort Hotel, kung may tsansa pa ba silang magkaayos ng mga dating kasama sa bandang Callalily.
Si Kean ang dating lead vocalist ng grupo at umalis siya sa grupo nu’ng 2022, kung saan hindi naging maganda ang paghihiwalay nila ng grupo na ngayon ay tinatawag nang Lily.
Naniniwala rin si Kean na panahon na lang ang makakapagsabi, lalo’t hindi ito puwedeng pilitin kung hindi pa talaga oras.
Mas mabuting ayusin muna ng mga dating kabanda niya ang mga isyu nila sa sarili dahil kung mangyayari ito sa ngayon ay ‘di rin sila magkakaintindihan.
Ayon kay Kean ay gusto niyang mag-usap sila pero sarado ang mga ito at naging sumbungan ang social media na lalong nagpagulo sa sitwasyon. Tinanggap na lang daw niya ang lahat, nag-move on siya sa kanyang buhay, nagpokus sa kanyang career, lalo’t maikli lang ang buhay.
Sa ngayon ay wala ring nangyayari na pinagbabawalan siya ng Lily na kantahin ang mga kanta nila at vice-versa.
Paliwanag sa amin ni Kean sa sandaling nailabas na ang isang kanta, kahit na sino ay maaaring kantahin na ito.
Para rin sa singer, hindi lang isang tao ang puwedeng magmay-ari nito dahil joint effort ito ng isang banda kung saan pinagsama-sama ang talento ng bawat isa.
Well, kung hindi man naging maganda ang relasyon niya sa mga dating kagrupo ay taliwas naman ito sa naging relasyon ni Kean sa mga kasamahan sa grupong Sessionistas.
Patunay nga nito ay magkakaroon sila ng reunion concert na may titulong Love Sessionistas: The Pre-Valentine Concert kasama sina Ice Seguerra, Sitti, Princess Velasco, Duncan Ramos, Juris, at Nyoy Volante.
Excited na siya sa nalalapit na concert. Palaging inspirado si Kean na makasama ang grupo dahil naniniwala siya na ang grupo nila ay binubuo ng ilan sa pinakamagagaling at pinakamahuhusay sa larangan ng OPM.
Nang tanungin namin kung ano sa palagay niya ang rason kung bakit nananatiling buo ang grupo, ayon kay Kean ay walang lugar ang kompetisyon at sapawan sa grupo nila at may mataas silang respeto sa bawat isa.
NAKAKALUNGKOT isipin na umurong sa kandidatura niya sa Senado si Manong Chavit Singson. Isyu sa kanyang kalusugan ang rason na ibinigay sa hindi pagkakatuloy ng kandidatura, dahil labas-masok nga sa ospital nitong mga nakaraang araw ang pulitiko sanhi ng pneumonia.
Sa edad niyang 83, naisip nito na mas magandang magpokus na muna siya sa pagbuti ng kanyang kalusugan.
Hindi man natuloy ang pagtakbo, panalo naman si Manong Chavit sa puso ng maraming mga Pilipino. Hiling lang sana ng marami ay matuloy ang e-jeepney na naipangako ni Manong Chavit sa mga jeepney drivers, kung saan ibibigay niya ito sa mas mababang halaga.
Dasal namin ay ang mabilising paglakas ni Manong Chavit at maipagpatuloy niya sana ang pagtulong sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng inilunsad niyang V-Bank.
Comments