ni Jasmin Joy Evangelista | October 15, 2021
Magsisimula na ngayong Biyernes ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga menor de edad.
Walo ang pilot COVID-19 vaccination sites na gagamitin:
* Philippine Children’s Medical Center
* Fe Del Mundo Medical Center
* National Children's Hospital
* Philippine Heart Center
* Pasig City Children’s Hospital
* Philippine General Hospital
* Makati Medical Center
* St. Luke’s Medical Center
Gagamitin naman sa pagbabakuna ang Pfizer at Moderna, na mga vaccine brand na may emergency use authorization para magamit sa mga batang edad 12 hanggang 17 anyos.
Nagsagawa na ng inspeksiyon ang DOH at nagkaroon na rin ng simulation ang mga ospital gaya ng Philippine Heart Center.
Ayon kay DOH - National Capital Region Director Gloria Balboa, handa na ang mga ospital para rito, kailangan lang ng dagdag-oras sa pag-screen at counseling ng mga magulang.
Para sa mga magpapabakuna, kailangang magdala ng medical certificate, parent o guardian, at ID ng pasyente at kasama niya.
Ayon sa ahensiya, oobserbahan muna ng pamahalaan ang pagbabakuna sa mga batang pasyente ng pilot sites sa loob ng isang linggo bago ito buksan sa mga piling ospital sa bawat lokal na pamahalaan sa Metro Manila.
Comments