ni Justine Daguno - @Life and Style | July 26, 2020
“Ayoko na talaga sa work ko! Magre-resign na ako!” Pamilyar ka ba sa mga linyahan na ‘yan? Paniguradong marami sa atin ang minsan o kasalukuyang may struggle sa trabaho. ‘Yung tipong dahil burnout na, wala nang ibang maisip kundi ang mag-resign na lang para mawala na ang stress. Pero kung hindi natin ito madaling nagawa noon, paano pa kaya ngayon?
Well, narito ang ilan sa mga bagay na maaari nating ikonsidera bago magdesisyong mag-resign sa trabaho:
1. Breadwinner ka, paano ang gastusin n’yo? Ikaw ang sumasagot ngayon sa pagbabayad sa kuryente, tubig, renta, grocery, internet, gas at marami pang iba. Kung magre-resign ka ngayon, paano ang mga gastusin? Mag-resign ka man o hindi, patuloy ang inyong pagkonsumo at hindi matatapos ang inyong bayarin.
2. Meron ka na bang emergency fund? Mahalaga ito lalo pa’t maraming nangyayari ngayon na hindi talaga natin inaasahan. Ngayong may trabaho ka pa, sigurado ka bang secured ang emergency fund mo? Sure ka na bang maaalalayan ka nito nang isa hanggang tatlong buwan kung sakaling matengga ka sa trabaho?
3. Afford mo bang tumambay? Ikaw ba ‘yung tipong okay lang kahit walang work? Tingin mo ba ay madiskarte ka namang tao kaya puwede kang rumaket o mag-isip ng kung anu-anong pagkakakitaan?
4. May nahanap na bang ibang work? ‘Yan ang tanong na palaging kasunod kapag nasabi mong magre-resign ka. Maraming nawalan ng trabaho ngayon dahil sa pandemic kaya kung aalis ka pero may backup ka naman ay sobrang oks lang, pero kung maghahanap ka palang, dapat i-sure mo muna.
Ang pagre-resign sa trabaho ay malaking bagay—may pandemya man o wala. Kailangan natin itong pagdesisyunan na malinaw ang ating isipan. Hindi lamang resignation letter ang inihahanda sa pag-alis sa trabaho—dapat financially prepared din tayo.
Pero kung mental health versus money o wealth, alamin at pag-isipan nating mabuti kung paano ito mababalanse. ‘Ika nga nila, madali lang kitain ang pera basta maparaan o magaling tayong dumiskarte sa buhay, pero ang “peace of mind” at self-worth, hindi. Good luck! ☻
Comments