top of page
Search
BULGAR

Mga dapat iwasan kung makikipag-meet sa naka-match sa dating app

ni Mharose Almirañez | May 2, 2022




Na-love at first chat ka na ba? Sa dami ng trial cards na na-experience mo sa pakikipag-talking stage, bakit patuloy ka pa rin sa pagsu-swipe right? Hindi ka pa ba nato-trauma sa internet love?


Ang totoo’y napakakumplikado talaga ng online dating. Hindi ito tulad ng iniisip ng iba na kahit sinong makausap mo over the internet ay magiging dyowa mo na rin instantly. Hindi naman kasi lahat ng nasa dating app o site ay into romantic relationships. ‘Yung iba, looking for mabebentahan ng insurance, kotse, bahay, mai-scam o friends with benefits.


Kaya beshie, sana ay aware ka sa totoong motibo ng kausap mo bago ka pa tuluyang mahulog sa “pogi typings” niya. Mabuti na ‘yung umpisa pa lang ay alam n’yo na ang hinahanap ng isa’t isa para hindi ka mabiktima ng salitang, “Masaya naman tayo, ‘di ba?”


Pero anu-ano ang mga dapat iwasan kapag napagdesisyunan n’yo nang mag-meet? Narito ang ilang tips:


1. ‘WAG MALI-LATE SA DATE. Mapa-babae o lalaki ay hindi dapat nino-normalize ang Filipino time. Nakaka-green flag kung darating ka ahead of time sa meet up place at malaking red flag naman kung ilang oras mong paghihintayin ang ka-meet mo.


2. ‘WAG MANG-INDIAN. ‘Yung tipong, malayo ka pa lang at nakita mo na hindi mo pala type in person ‘yung ka-meet mo, kaya sa halip na sumipot ay bibiglang-liko ka paalis sa meet up place. Tapos, magdadahilan kang may emergency kaya hindi ka nakasipot sa date n’yo. Naku, beshie, bad habit ‘yan!


3. ‘WAG MAGPO-PROXY. Kung conscious ka sa hitsura mo kaya hahanap ka ng friend na magpo-proxy sa date n’yo, very wrong move ‘yan, beshie! Una pa lang, i-inform mo na siyang hindi ka kasing ganda, kasing sexy, kasing pogi o kasing macho nu’ng nasa picture kaya huwag siya masyadong mag-expect sa ‘yo. Wala kayo sa K-Drama. Okie?


4. ‘WAG MAGSASAMA NG CHAPERON. Masisira ang diskarte ng ka-date mo kung alam niyang may ibang nanonood at nakikinig sa inyo. So, beshie, mag-share location ka na lang o magkabit ng hearing device para updated pa rin sa real time tsika ang mga Marites mong friend.


5. ‘WAG BONGGAHAN ANG ARRIVE. Manamit nang naaayon sa lugar upang hindi kayo maging center of attraction. Hindi mo rin dapat ipamukha sa kanya na isa kang high maintenance person dahil iisipin niyang, “Ayyy, out of my league ‘to. Ayoko rito!”


6. ‘WAG MAGING MABOKA. Nakaka-turn off kung puro ikaw lang ‘yung nagsasalita sa buong date. ‘Yung tipong, naikuwento mo na pati buhay ng nanay, ninang at kapitbahay n’yo, samantalang siya ay nandu’n pa rin sa topic na, “Bakit kayo naghiwalay nu’ng ex mo?”


7. ‘WAG MAGING TOUCHY. Upang hindi humantong kung saan ang first date n’yo, obserbahan mong maigi ang bawat galaw niya at ‘wag basta magpadala sa matamis niyang ngiti at nanghi-hypnotize na kindat. Sa paraan pa lang kung paano siya tumingin at humawak sa ‘yo, sana ay ma-gets mo na ang hidden meaning nu’n. Unless, game ka rin sa gusto niya.


8. ‘WAG MAGSE-SELPON. Okey sana kung pi-picture-an ka niya, pero kung mas inatupag pa niya ang pagse-selpon habang kasama ka niya ay nangangahulugan lamang na hindi ka niya gusto o hindi siya masyadong interesado sa ‘yo.



Ilan lamang ‘yan sa mga dapat iwasan during first meet-up upang hindi mauwi sa "Talking stage, gone wrong" at nang hindi siya madagdag sa listahan ng Instagram story o My Day viewers mo.


Matapos pumalpak ang unang date, marami ang nade-depress sa katatanong sa kanilang self-worth. Ilang Facebook users na rin ang nag-deactivate at nagpalit ng kulay itim na profile picture habang nasa healing process.


Beshie, hindi ka naman panget at boring kasama sa personal. Siguro, maling tao lang ‘yung na-swipe right mo. So, tama na ang pag-e-emote, hanap ka na lang ng bagong trauma. Charot!


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page