top of page
Search
BULGAR

Mga dapat gawin upang maging matangkad ang bata

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | August 20, 2020




Dear Doc. Shane,

Nagtataka ako kung bakit ako at ang ate ko ay mukhang kulang sa height? Pero ang dalawa naman naming kuya ay matangkad? May kinalaman ba ito sa pagtulog o pagkain ng tama ng isang tao? – Louie

Sagot

Unang una, ang tangkad ng tao ay naapektuhan ng genes sa isang pamilya. May pamilya na likas na matatangkad at mayroon din namang mga bansot. Kung ang mga magulang mo ay parehong matangkad, hindi malayong mamana mo ang katangiang ito at lumaking matangkad din. Ngunit, kung maliit ang iyong mga magulang, may posibilidad na ikaw rin ay maging maliit.


Minsan, kahit maliit ang mga magulang, mayroon isang anak na naiiba o nabiyayaan ng tangkad. Posible itong mangyari lalo na kung isa sa mga ninuno ng mga magulang ay matangkad din.


Bukod sa salik na ang tangkad ay namamana, may ilan pang bagay na makaaapekto sa tangkad ng tao. Kabilang ang nutrisyon na nakukuha ng panahon ng pagbibinata o pagdadalaga kung saan, pinakaaktibo ang pagtangkad ng tao.


Sa panahong ito, dapat mataas at patuloy ang nutrisyong nakukuha ng katawan mula sa mga pagkain o bitamina at food supplement sapagkat mataas ang pangangailangan ng tumatangkad na katawan sa mga ito.


Makaaapekto rin ang mga karamdaman na maaaring maransan sa panahong ng pagdadalaga at pagbibinata. Maaaring agawin ng karamdaman ang nutrisyon na dapat ay para sa tumatangkad na katawan.


Ilang taon nagsisimula ang pagtangkad ng tao at kailan ito tumitigil?


Ang pagsisimula ng pagtangkad ay naiiba para sa mga babae at lalaki. Sinasabing para sa mga babae, ang pagtangkad ay nagsisimula sa edad na 9 hanggang 10, habang sa mga lalaki naman ay sa edad na 11. Pinakaaktibo naman ang pagtangkad sa edad na 11 o 12 sa kababaihan, habang sa edad na 13 naman sa kalalakihan.


Samantala, humihinto ang pagtangkad pagtatapos ng puberty stage. Nangyayari ito sa edad na 15 hanggang 17 para sa mga babae, at 16-17 naman sa mga lalaki. Tandaan na ang puberty period sa bawat tao ay naiiba-iba, depende kung gaano kataas ang mga lebel ng hormones sa katawan, maaaring magsimula ito ng maaga at matapos din ng mas maaga o kabaligtaran.


Ano ang dapat gawin?


Ang susi para mas lalo pang tumangkad ay ang pananatiling malusog ang katawan na may sapat na pahinga. Upang maging malusog, dapat kumpleto at sapat ang nutrisyon na nakukuha mula sa mga pagkain sa bawat araw at higit itong kailangan sa panahon ng puberty.


Dapat kumpleto din ang tulog na hindi bababa sa 8-oras. Ang mga supplement at gamot na nagsasabing nakakatangkad ay walang garantiya na talagang makapagpapatangkad.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page