top of page
Search
BULGAR

Mga dam, kailangang nang i-rehab

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | April 6, 2022


Sobrang init! ‘Yan ang daing ng marami nating mga kababayan lalo na't summer time na talaga ngayon. At siguradong sa sobrang init ng panahon, mas mabilis na bababa ang lebel ng tubig sa mga dam at ‘di malayong magdulot ito ng tag-tuyot sa mga palayan at mga taniman!


At sa usaping dam, kung sa ngayon eh 191 meters ang level ng tubig sa Angat dam, abah eh bago pa magsimula ang susunod na administrasyon ay siguradong aabot sa critical level na 180 metro kung walang ulan.


Eh ang Angat dam pa naman ang pinagkukunan ng supply ng tubig ng nasa 12 milyong mga taga-Metro Manila at irigasyon sa mga magsasaka sa Pampanga at Bulacan. Paano na lang yan?!


Mukhang kinakailangan na nating magsagawa ng 'rain dance' tulad ng mga ginagawa ng ating mga katutubo, hmmm. Nakakapag-alala kasi nga eh talagang dapat sana eh may mga pag-ulan dahil sa pagtaya ng PAGASA na may mahabang La Niña, di bah?


Kaya ngayon eh nagkukumahog ang ating mga awtoridad sa cloud seeding at nakakasa na rin ang mga pagrarasyon ng tubig at posibleng hindi na lang sa gabi magrasyon ng tubig kundi aabot pa ito sa araw! Hay apo, mahabaging Diyos!


'Yang cloud seeding at pagrarasyon ng tubig, pansamantalang pansalo ang mga ‘yan. IMEEsolusyon natin sa nagbabadyang mga tag-tuyot eh ‘yung ating susunod na administrasyon na kahit nahaharap sa kakapusan ng badyet, kinakailangang palakasin ang pamumuhunan sa mga maliliit na ‘water impounding system’ na mag-iimbak ng mga tubig-ulan sa panahon ng tag-ulan.


Ang mga ito ay mga dam na hindi lalampas sa 30 metro ang taas at may kakayanang mag-imbak ng nasa 50 milyong metro-kubikong tubig. Eh kahit ang mga nagsasaka sa mataas na lugar ay makikinabang dito.


Take note, ayon sa PAGASA, mas mababa lang sa 10% ang naiimbak nating tubig-ulan dahil karamihan sa mga ito eh dumadaloy papuntang karagatan.

Kaya need din natin talagang magkaroon ng pasilidad para sa 'rainwater harvesting.’


Reminder hindi lang pang-irigasyon sa mga palayan, mga palaisdaan o sanitasyon ng kalunsuran o mga paglilinis ng mga kotse at iba pa magagamit ang mga naimbak na tubig sa 'rain harvesting facilities' kundi makababawas din ‘yan sa pagbaha sa panahon naman ng tag-ulan, di bah?!


IMEEsolusyon din natin na maawa naman tayo sa ating mga lumang dam na tulad ng Angat, Pantabangan, at Magat, plis isailalim din natin ang mga ‘yan sa rehabilitasyon para mapakinabangan pa nang husto ng mga susunod na henerasyon.


Abah eh ni kahit isang rehab ‘di nakatikim ang mga nasabing dam gayong noon pang 1967 hanggang 1983 pa yan binuksan. Susmaryosep! Masyado tayong naging kampante.


IMEEsolusyon natin sa krisis sa tubig, matuto rin tayong magtipid o iwasang mag-Asyong Aksaya! Di bah! I-recycle natin ang mga tubig. ‘Yung mga pambanlaw na tubig sa paglalaba, puwede rin nating gamitin na pang-mop ng sahig o ipandilig o ibuhos sa banyo! Para-paraan lang ‘yan! Agree?!

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page