top of page
Search
BULGAR

Mga dahilan para ma-terminate ang kontrata ng kasambahay

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 5, 2023


Dear Chief Acosta,


Isa sa mga benepisyo ko bilang kasambahay ang limang araw na leave bawat taon.


Ginamit ko ang lahat ng leave ko para magpatingin sa doktor at nalaman ko na may malubhang karamdaman ako. Hindi ako makaalis agad sa serbisyo dahil pumirma ako ng dalawang taong kontrata. Mayroon bang legal na paraan para wakasan ko ang aking kontrata bilang kasambahay?Adel


Dear Adel,


Para sa iyong kaalaman, nakasaad sa Seksyon 32 ng Republic Act No. 10361 o mas kilala sa tawag na “Domestic Workers Act” o “Batas Kasambahay,” na hindi maaaring wakasan ng kasambahay ang kontrata bago matapos ang termino nito maliban sa mga dahilan na ibinigay sa Seksyon 33 ng nasabing batas.


Kaugnay nito, ang Seksyon 33 ng nabanggit na batas ay nagbibigay ng mga dahilan para sa pagwawakas ng kasambahay ng kanyang serbisyo:


“SEC. 33. Termination Initiated by the Domestic Worker. – The domestic worker may terminate the employment relationship at any time before the expiration of the contract for any of the following causes:

(a) Verbal or emotional abuse of the domestic worker by the employer or any member of the household;

(b) Inhuman treatment including physical abuse of the domestic worker by the employer or any member of the household;

(c) Commission of a crime or offense against the domestic worker by the employer any member of the household;

(d) Violation by the employer of the terms and conditions of the employment contract and other standards set forth under this law;

(e) Any disease prejudicial to the health of the domestic worker, the employer, or member/s of the household; and

(f) Other causes analogous to the foregoing.”

Malinaw na nakasaad sa nasabing batas na maaaring wakasan ng kasambahay ang kanyang serbisyo, anumang oras bago matapos ang kontrata, dahil sa anumang sakit na makasasama sa kalusugan ng kasambahay, kanyang amo, o miyembro ng sambahayan.


Samakatuwid, ang legal na paraan para mawakasan mo ang iyong kontrata bilang kasambahay ay ipaalam mo sa iyong amo ang iyong malubhang karamdaman. May karapatan ka bilang kasambahay na wakasan ang iyong kontrata bago matapos ang termino nito dahil ikaw ay may malubhang sakit na makasasama sa iyong kalusugan.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page