ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | January 4, 2023
Dear Doc Erwin,
Ako ay isang overseas Filipino worker (OFW) na kasalukuyang nagtatrabaho sa Middle East. Sa paglipas ng panahon ay patuloy na bumibigat ang aking timbang, at nitong huling taon ay na-diagnose ako na Obese Class 1. Ano ba ang ibig sabihin nito?
Pinayuhan ako ng aming company physician na bawasan ang pagkain ng marami nitong nakaraan na holiday season dahil ayon sa kanya lalong lalala ang aking obesity at mahihirapan ako na maibalik ang aking timbang sa normal. Gaano man ang aking pagpigil ay hindi ko naiwasan ang kumain ng marami. Ano ba ang dahilan nito? Ano ang dapat kong gawin upang maiwasan ko ang pagkain ng marami tuwing holiday season?
Sana ay masagot n’yo ang aking mga katanungan. Nais kong maunawaan ang aking kalagayan. - Luis Brando
Maraming salamat, Luis Brando sa iyong pagliham at pagtangkilik sa Sabi ni Dok column at sa BULGAR newspaper. Sisikapin namin na masagot ang iyong mga katanungan ayon sa mga research ng mga dalubhasa sa larangan ng obesity.
Ang obesity o pagtaba ng higit sa normal na timbang ay itinuturing ng World Health Organization (WHO) na isang epidemya dahil sa dami ng tao na apektado nito sa buong mundo. Ayon sa pinakahuling pag-aaral mahigit 38 porsyento ng edad 20 hanggang 59 sa Pilipinas ay overweight o obese. Ayon sa Global Obesity Observatory ang bansang Nauru, isang bansa na kabilang sa mga Pacific islands, ang may pinakamataas na obesity rate sa adult population – mahigit sa 59 porsyento.
Ibinabase ng WHO ang classification ng obesity sa Body Mass Index o BMI. Ang normal na BMI ay mula 18.5 hanggang 24.9. Ang BMI na 25 at pataas ay itinuturing na overweight hanggang obese. Ayon sa inyo kayo ay na-diagnose na Obese Class 1. Ibig sabihin nito ay may BMI kayo na 30 to 34.9. Ang may BMI na 40 o higit pa ay may very severe obesity. Kinakailangan na pababain n’yo ang inyong timbang hanggang ang BMI ay mas bumaba sa 25.
Marami ang dahilan kung bakit nagiging obese ang maraming tao. Ayon sa National Health Services ng Great Britain ang mga dahilan ng pagtaba ay ang pagkain ng higit sa kinakailangan ng ating katawan, kakulangan sa physical activity, mga medical conditions katulad ng Cushing’s Syndrome at hypothyroidism, at mga genetic conditions.
Tungkol sa pagkain ng marami tuwing holiday season, katulad ng Pasko at Bagong Taon, may mga kadahilanan ito ayon sa mga dalubhasa. Dahil ang holiday season ay stressful sa atin, tumataas ang release ng ating katawan ng cortisol hormone. Dahil sa pagtaas ng cortisol ay mas lumalakas ang ating gana na kumain (appetite). Ang pagpupuyat tuwing holiday season ay isa ring dahilan sa pagtaas ng cortisol level. Ang huling nabanggit ay dahilan kung bakit ang mahilig magpuyat ay mas tumataba at nagiging obese. Ang isa pang dahilan ay tuwing holiday season marami ang pagkain at inumin na mataas ang calorie at sugar content kaya’t mas madali ang pagtaba. Ito ang mga dahilan kung bakit nahihirapan tayo na pigilan ang pagkain ng marami tuwing holiday season.
Ayon sa isang pag-aaral na inilathala noong 1987 sa scientific journal na Human Biology ang tao ay karaniwang bumibigat ang timbang mula 0.2 hanggang 0.8 kilogram taun-taon. Ito ang dahilan kung bakit sa paglipas ng panahon ay tumataas ang ating timbang at tayo ay tumataba.
Sa isang research study sa bansang Amerika na inilathala noong March 2000 sa New England Journal of Medicine, karaniwang tumataba ang tao ng humigit-kumulang sa 2 kilograms tuwing holiday season. Batay din sa pag-aaral na ito, nahihirapan ang mga taong mabawas ang itinaas na timbang na matapos ang holiday season, lalo na ang mga obese.
Ang mga nabanggit ang dahilan kung bakit pinayuhan ka ng iyong doktor na huwag kumain ng marami tuwing holiday season. Ngunit paano nga ba maiiwasan na kumain ng marami at tumaba tuwing holiday season?
Ayon sa mga dalubhasa may mga paraan upang hindi gaanong tumaas ang cortisol level sa ating katawan katulad ng meditation, relaxation techniques, at pag-iwas sa pagpupuyat. Ipinapayo rin ng mga nutritionist na umiwas sa matatamis na inumin at uminom na lang ng tsaa, kape o tubig. Kung madalas ang pagkain sa isang araw, maaaring bawasan ang dami ng kinakain tuwing kakain at palitan ang dessert ng salad.
Ayon sa research studies nababawasan din ang ating physical activity tuwing holiday season. Ito ay isa sa mga kadahilanan ng weight gain sa panahong ito, kaya’t ipinapayo rin ng mga dalubhasa na mag-exercise ng regular during holiday season upang mapanatili ang ating timbang o mabawasan ang pagbigat sa timbang.
Sana ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. Tandaan lamang na ang obesity ay maraming kadahilanan at kinakailangan ang paggamit ng iba’t ibang pamamaraan upang maiwasan ito o mapababa ang timbang.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Kommentare