ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | January 23, 2024
Dear Doc Erwin,
Ako ay isang teacher na nakatira sa Kalookan City, 45 years old at may asawa at mga anak.
Ang aking ina ay nagkaroon ng dementia sa maagang edad na 59 years old. Ayon sa doktor na tumingin sa kanya may mga dahilan kung bakit nagiging ulyanin ang isang tao sa maagang edad. Pinainom ng doktor ng mga gamot para sa dementia ang aking ina.
Dahil sa aking kasalukuyang edad na 45, ako ay nag-aalala na magkaroon ng dementia sa maagang edad. Dahil sa aking madalas na pag-aalala, minabuti namin ng aking asawa na sumangguni sa isang doktor. Matapos ang konsultasyon ay pinayuhan ako ng doktor na uminom ng Vitamin D supplement.
Ayon sa kanya ay makakatulong ang bitamina na ito laban sa dementia.
Maaari bang makatulong ang bitamina na ito upang makaiwas ako sa dementia?
May mga pananaliksik ba na nagpapatunay na ito ay mabisa laban sa dementia?
Ano ang mga dahilan ng maagang pagkakaroon dementia?
Maraming salamat at sana’y masagot n’yo ang aking mga katanungan. -- Maria Elisa
Maraming salamat Maria Elisa sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc column. Ganu’n din sa iyong pagbabasa ng BULGAR newspaper. Sisikapin namin na masagot ang iyong mga katanungan ayon sa mga pananaliksik ng mga dalubhasa sa dementia.
Ang pagkakaroon ng dementia (o pagiging ulyanin) bago sa edad na 65 ay tinatawag na Young Onset Dementia. Tinatawag din itong Early Onset Dementia ng mga dalubhasa.
Ayon sa World Alzheimer Report 2021: Journey Through the Diagnosis of Dementia kasalukuyang may 50 milyong tao sa buong mundo ang may dementia at ito ay magiging triple pa sa taon na 2050.
Sa isang pinakabagong pag-aaral na isinagawa ng mga dalubhasa na pinangunahan ni Dr. Stevie Hendriks ng Department of Psychiatry and Neuropsychology ng Maastricht University sa bansang The Netherlands, ang mga taong malakas uminom ng alak, may sakit na diabetes, sakit sa puso at may depresyon ay malaki ang posibilidad na magkaroon ng Young Onset Dementia. Mataas din ang risk ng mga indibidwal na may hearing impairment at may Vitamin D deficiency. Ang pag-aaral na ito ay isinagawa sa England, Scotland at Wales at inilathala ang resulta ng pananaliksik noong December 26, 2023 sa Journal of American Medical Association-Neurology.
Ang nabanggit na makabagong pananaliksik tungkol sa dementia marahil, ang dahilan kung bakit minabuti ng inyong doktor na bigyan kayo ng Vitamin D supplementation – upang makaiwas sa Vitamin D deficiency, na isa sa mga madalas na dahilan ng maagang pagkakaroon ng dementia.
Sa isang pananaliksik sa bansang Canada, kung saan pinag-aralan nila ang epekto ng Vitamin D supplementation sa pagkakaroon ng dementia sa mahigit na 12,000 na mga study participants. Ayon sa research study na ito mas mababa ng 40 porsyento ang nagkakaroon ng dementia sa mga indibidwal na uminom ng Vitamin D supplement.
Inilathala ang resulta ng pananaliksik na ito noong March 1, 2023 sa scientific journal na Alzheimer’s and Dementia Diagnosis, Assessment & Disease Monitoring.
Ayon sa pag-aaral na nabanggit, mas mababa ang chance na ikaw ay magka-dementia kung ikaw ay iinom ng Vitamin D supplement. Upang makaiwas sa maagang dementia, marapat din na sumangguni sa doktor kung ikaw ay may diabetes, sakit sa puso, hearing impairment at depresyon upang ang mga sakit na ito ay mabigyan ng lunas.
Sana ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtangkilik sa BULGAR newspaper at sa Sabi ni Doc column, at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Commentaires