ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Ika-19 Araw ng Abril, 2024
Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.
Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Kuneho o Rabbit.
Ang Kuneho o Rabbit ay silang mga isinilang noong taong 1927, 1939, 1951, 1963, 1975, 1987, 1999, 2011 at 2023.
Sinasabing ang animal sign na Rabbit o Kuneho ay may zodiac sign na Pisces sa Western Astrology na nagtataglay ng ruling planet na Neptune. Ang masuwerte nilang direksyong ay ang silangan higit lalo tuwing sasapit ang alas-5 hanggang alas-7 ng umaga.
Pinaniniwalaan din na higit na mapalad ang Kuneho, kung siya ay isinilang sa panahon ng tag-araw o tag-init, kung ikukumpara sa kapatid niyang isinilang sa panahon ng tag-lamig o tag-ulan.
Tunay ngang kung may naghahangad ng kapayapaan, kapanatagan at kampanteng buhay, lalo na sa tahanan o sa pamilya, ang nangunguna rito ay walang iba kundi ang animal sign na Rabbit. Dahil para sa kanila, ang lahat ng ligaya at tagumpay ay makakamit lamang nila sa mapayapa at tahimik na tahanan o pamayanan. Kaya naman kapag magulo ang kanilang paligid, asahan mo na masisira lang din ang diskarte ng isang Kuneho. Pero, kung patitirahin mo sila sa subdivision o lugar na napapaligiran ng mga halaman, punong kahoy at kalikasan, asahan mo ang nasabing Kuneho ay sadyang liligaya, magtatagumpay, makakatanggap ng iba’t ibang uri ng suwerte at magandang kapalaran.
Ang isa pang nakakatuwang ugali ng Kuneho ay matulungin at mapagmahal din sila. Kung saan, hindi sila pumapayag na makakita ng pamilya na sobrang naghihirap sa buhay. Dahil sobrang baba ng kanilang loob, madaling nababagabag ang kanilang damdamin.
Sa katunayan, bagay na bagay sa isang Kuneho ang mga propesyong pari, madre, at mga nagmimisyoneryo na ang layunin ay ang tumulong nang tumulong at maghatid ng ayuda para sa mga mahihirap. Kaya nga, ang social worker at community development worker ay bagay na bagay din sa mga Kuneho. Dagdag pa rito, minsan natatagpuan ang Kuneho na hindi na nakakapag-asawa, dahil ang ginawa nilang propesyon o pamilya ay ang mga mahihirap. Kung minsan, ito rin ang nagiging dahilan kung bakit ang mga Kuneho ay kapos din sa personal na tagumpay at achievement sa buhay, dahil karamihan sa kanila mas inuuna pa ang makatulong sa kanilang kapwa, kesa na mag-ipon at magpayaman.
Kaya mas mainam kung ang propesyon ng isang Kuneho ay may kaugnayan sa nasabing mga gawain, upang higit siyang magtagumpay at lumigaya. Tulad ng nasabi na, tugma ang social worker, pinuno ng mga charitable institutions at puwede rin naman sa kanila ang pamomolitika na may dalisay na layunin at hangarin na tumulong sa kanilang kapwa. Kung saan, tulad ng nasabi na, sa gawaing iyon mas higit silang magtatagumpay at liligaya.
Bukod sa likas na pagiging mabait, taglay din ng isang Kuneho ang pagiging matulungin at madali niyang nararamdaman ang pangangailangan ng ibang tao, lalo na ang mga kapus-palad at mahihirap.
Dahil sa pagiging mabait at matulungin ng mga Kuneho. Natutuwa tuloy ang langit sa kanila, kaya palagi silang pinagpapala ng langit nang hindi nila namamalayan. Kaya naman madalas may dumarating sa kanilang malalaki at bultu-bultong suwerte na hindi nila inaasahan at maisip kung bakit sila pinagkalooban ng ganu’ng suwerte.
Dahil sa mga nabanggit na likas na ugali ng Kuneho, mabait at matulungin, sinasabing bukod sa Dragon ang Kuneho o Rabbit ay isa rin sa pinakamapalad.
Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.
Comments