ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | November 30, 2020
Dear Doc. Shane
Nakararamdam ako ng hirap sa paghinga lalo na kapag sinusumpong ako ng hika. Ano ba ang maaaring gawin upang maiwasan ang pagsumpong nito? – Trina
Sagot
Ang hika ay pangmatagalan at pabalik-balik na sakit kung saan ang baga o lungs ang pinakanaaapektuhan.
Narito ang mga sanhi ng asthma:
Maruming kapaligiran. May mga sirkumstansiya na nakapagti-trigger sa sakit na ito tulad ng polusyon, maruming hangin, mabahong amoy, alikabok at usok.
Henetiko o genes. Namamana ang hika o asthma at karaniwang naaapektuhan nito ay ang mga bata dahil mahina pa ang kanilang immunity.
Pisikal na aktibidad. Sobrang pagkapagod ng katawan dulot ng mga aktibidad o mabigat na gawain.
Matinding emosyon dulot ng stress o depresyon.
Epekto ng panahon. Ito ay dahil sa pabagu-bagong panahon, gayundin ang sobrang init o lamig ng panahon.
Narito ang ilan sa mga sintomas ng hika na dapat bantayan:
Hirap matulog kapag gabi dahil sa discomfort sa paghinga
Ang taong may hika ay merong whistling (sipol) sound kapag humihinga
Madalas na pag-ubo na kung minsan ay may kasamang plema
Panghihina ng buong katawan
Kawalan ng gana sa pagkain
Madalas hingalin o mapagod
Ang sumusunod na tips ay makatutulong para maiwasan ang pagkakaroon ng hika:
Iwasan ang marumi at maalikabok na lugar
Kung pawisin ka, huwag hahayaang matuyuan ng pawis sa likod
Huwag masyadong magbilad sa init ng araw
Iwasang makalanghap ng pulbos o usok
Mag-ehersisyo araw-araw upang lumakas ang baga at malabanan ang hika
Kumain ng masusustansiyang pagkain upang lumakas ang immune system
Kapag malamig ang panahon, ugaliing takpan ang ilong at bibig o magsuot ng face mask
Iwasan ang pagamit ng matatapang na pabango o perfume
Comments