ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Oct. 25, 2024
IBASURA SA ELEKSYON MGA REELECTIONIST CONGRESSMAN KUNG SAAN MGA LUGAR NILA NAKARANAS NG LAGPAS-TAONG BAHA -- Dahil sa kawalan ng flood control projects, maraming mamamayan sa Luzon, Visayas at Mindanao ang nakaranas na naman ng lagpas-taong baha dulot ng Bagyong Kristine.
Panawagan natin sa mga residente kung saan ang lugar nila ay binaha, ibasura n’yo sa eleksyon ang mga reelectionist congressman sa inyong mga distrito kasi ang budget pang-flood control projects, inilaan pa nila sa kanilang pork barrel funds, period!
XXX
MGA PARTYLIST NA WALANG NAIBIGAY NA AYUDA SA MGA BIKTIMA NG BAGYO AT BAHA, DAPAT IBASURA RIN SA HALALAN -- Karamihan sa mga partylist representatives na dikit kina Pres. Bongbong Marcos (PBBM) at Speaker Martin Romualdez ay may pork barrel funds.
Kaya sa mga nabiktima ng bagyo at baha, dapat ang mga partylist na kanilang ibinoto sa nakaraang eleksyon na hindi man lang nagbigay ng ayuda sa kanila, ibasura nila ang mga ‘yan sa May 2025 midterm election, kasi nga “sinasarili” lang ng mga partylist representative ang kanilang pork barrel funds, boom!
XXX
DAHIL NALALAPIT NA ANG HALALAN, EEPAL NA NAMAN ANG MGA POLITICAL DYNASTY SA PAGBIBIGAY NG AYUDA SA MGA BIKTIMA NG BAGYONG KRISTINE -- After 2022 election ay maraming bagyo nang tumama sa bansa, at ang huling malakas na bagyong nanalasa sa ‘Pinas ay ang Typhoon Enteng noong Agosto 2024.
Maraming pamilyang Pinoy ang naapektuhan ng Bagyong Enteng pero kapuna-puna nang wala na sa bansa ang bagyong ito, tila ni-relief goods ay walang inihatid na tulong ang mga senador na may political dynasty sa mga kababayang biktima ng nasabing typhoon.
Noong October 1-8 ay nag-file na ng candidacy ang pamilya ng mga senador na tatakbo sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan, at dahil sila (‘Kamag-anak Inc.’) ay sabayang magsisipagkandidato sa nalalapit na halalan, asahan nang eepal at magpapabida ang mga political dynasty na iyan sa pamimigay ng ayuda sa mga biktima ng Bagyong Kristine, mga pwe!
XXX
MAS KAPANI-PANIWALA ANG SURVEY NG SWS KAYSA ‘PANINIPSIP’ SA MALACAÑANG NA SURVEY NG OCTA -- Sa survey ng SWS na isinapubliko noong Oct. 18, 2024 ay dumami (22.9%) raw ang pamilyang Pinoy na nagsabing sila ay nakakaranas ng gutom, habang sa survey naman ng OCTA na isinapubliko kamakalawa (Oct. 22) ay kumonti (43%) na raw ang mga Pinoy na nagsabing sila ay mahirap.
Magkasalungat ang inilabas nilang survey pero kung susuriin ay mas kapani-paniwala ang survey ng SWS na marami ang naghihirap na pamilyang Pinoy, kaysa ‘paninipsip’ sa Malacañang na survey ng OCTA na konti na lang daw ang naghihirap na Pinoy sa ‘Pinas, period!
Comments