ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | November 25, 2021
Ngayong nagiging global na ang labor market at ang mga nagtatrabaho ay mas madali nang makagalaw sa iba’t ibang lugar o ang tinatawag nating employment mobility, ang kalidad ay hindi na lamang katumbas ng pagtupad sa mga locally set standards. Ang kalidad ng pagtatrabaho ay katumbas na ng pagiging globally competitive. Dahil sa internet, mas madali nang magkaroon ng trabaho sa ibang bansa kahit nasa Pilipinas.
At upang makapagsagawa ng komprehensibong pagsusuri sa buong sektor ng edukasyon at maisulong ang global competitiveness ng mga nagsipagtapos sa bansa, ihahain ng inyong lingkod ang substitute bill ng panukalang Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2.
Dito ay rerepasuhin ng panukalang EDCOM 2 ang pagtupad sa mandato ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) tungo sa mas maigting na ugnayan sa sektor ng edukasyon. Susuriin din ng naturang panukala ang papel ng digital transformation sa edukasyon.
Para maiangat ang global competitiveness ng graduates, dapat tiyaking akma ang qualifications framework ng bansa sa mga internationally recognized qualification standards. Ang Philippine Qualifications Framework (PQF) ay idinisenyo upang maging akma sa ASEAN Qualifications Reference Framework. Ito ay upang tiyakin na ang mga graduates ng bansa ay may taglay na mga kakayahan upang maging globally competitive.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10968 o ang PQF Act, ang PQF ay quality assured na sistemang pambansa para sa pagbuo, pagkilala at paggawad ng mga kuwalipikasyon batay sa mga pamantayan ng kaalaman, kakayahan at values na nakamit ng mga manggagawa at mag-aaral ng bansa sa iba’t ibang paraan.
Sa draft substitute bill ng EDCOM 2, magiging mandato ng komisyon ang pagtiyak na masusunod ang ASEAN Qualifications Reference Framework na nagsisilbing gabay sa paghahambing ng mga educational qualifications sa mga bansa sa ASEAN.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture ay isinusulong natin itong pagtugon ng EDCOM 2 kung paano isusulong ang global competitiveness sa hanay ng mga nagtapos ng kolehiyo.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments