ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Mar. 7, 2025

SANA PAKINGGAN NG COMELEC ANG HILING NG DSWD NA ‘WAG ISAMA SA BAN ANG AKAP ALANG-ALANG SA KAPAKANAN NG MGA KAPUS-PALAD NA PINOY --Simula sa March 28, 2025 ay ipagbabawal na ng Commission on Elections (Comelec) ang pamimigay ng ayuda ng pamahalaan, pero may hiling ang Dept. of Social Welfare and Development (DSWD) na huwag isama sa ipagbawal ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) upang maipagpatuloy ang pagbibigay tulong ng kagawaran sa mga kababayang kapos ang kinikita sa pang-araw-araw na trabaho.
Sana pagbigyan ng Comelec ang hiling ng DSWD kasi pinatunayan naman ni Sec. Rex Gatchalian na mula nang ipairal ang AKAP ay wala kahit isang pulitiko ang nagamit ang programang ito ng kagawaran sa pamumulitika, na ‘ika nga dapat ‘wag nang isama ang AKAP sa ban alang-alang sa mga kababayang kapus-palad, period!
XXX
DAPAT BANG PANIWALAAN ANG SINABI NI SOTTO NA MANALO LANG SIYA ULIT SA PAGKA-SENADOR BIBIGYAN NIYA NG MAAYOS NA PAMUMUHAY ANG MGA MAGSASAKA AT MANGINGISDA? -- Sa press conference ng “Alyansa Para sa Bagong Pilipinas” sa Dumaguete City noong Feb. 20, 2025 ay sinabi ni former Senate President Tito Sotto na sakaling palarin daw siya uli na maging senador ay tututukan daw niya ang mapalaki ang income ng mga magsasakang Pinoy. At kamakalawa sa Farmers and Fisherfolks Celebration 2025 na idinaos sa Capiz, porke may karamihan ang mga mangingisdang dumalo sa selebrasyong ito ay sinabi naman ng dating senador na hindi lang daw mga magsasaka ang bibigyan niya ng mabuting kabuhayan, kundi pati ang mga mangingisda.
Bahala na ang mga magsasaka at mangingisda kung maniniwala sila sa mga pangakong ito ni Sotto, basta ang masasabi lang natin ay sa Senado na pumuti ang kanyang buhok, pero wala siyang nagawa para mabigyan sila ng maayos na pamumuhay, at porke kakandidato uli siya ngayon, ‘yan ang ginagawa niyang campaign promise para iboto siya ng milyun-milyong magsasaka at mangingisda, boom!
XXX
HINDI MAN AMININ MALAMANG ANG MGA ‘BUWAYA’ NG MARCOS ADMIN, MGA NAGHIHIMUTOK SA UTOS NG SC NA IBALIK SA PHILHEALTH ANG P60B -- Iniutos ng Supreme Court (SC) sa Marcos administration na ibalik sa PhilHealth ang higit P60 billion kinuha at inilagak sa Bureau of Treasury (BOT) dahil ang perang ito ay mula sa mga PhilHealth member at hindi ito mula sa kaban ng bayan.
Hindi man aminin ay tiyak naghihimutok ang mga ‘buwaya’ sa pamahalaan kasi wala na silang pagkakataong ma-corrupt ang P60B ambag ng mamamayan sa PhilHealth, period!
XXX
AYAW SIGURONG MAGISA NI ATTY. MICHAEL POA SA ISYU NG CONFI FUNDS SCAM KAYA MAG-AABOGADO SIYA KAY VP SARA SA IMPEACHMENT TRIAL -- Ang dating spokesman ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na si Atty. Michael Poa na isa sa mga tauhan ni VP Sara na nagisa sa Kamara kaugnay sa pagkakasangkot nito sa sinasabing confidential funds scam ng Office of the Vice President (OVP) at Dept. of Education (DepEd) ay isa pala sa aaktong abogado ng bise presidente sa impeachment trial.
Kung may delicadeza sa kanyang sarili si Poa dapat ay ‘wag na siyang mag-abogado para kay VP Sara sa impeachment trial kasi nga masyadong halatain ang kanyang diskarte, na gusto niyang umiwas na magisa uli ng mga kongresistang aaktong mga prosecutor sa impeachment sa bise presidente, boom!
Comments